470 total views
Walang pinipiling lugar at panahon ang pagmimisyon bagkus ay dapat isinasagawa sa lahat ng pagkakataon.
Ito ang mensahe ni Manila Archbishop Jose Cardinal Advincula kasabay ng pagdiriwang ng kapistahan ni San Felipe Neri na ginanap sa San Felipe Neri Parish sa Mandaluyong City.
Ayon kay Cardinal Advincula ang buhay ng santo na piniling manatili sa Roma na kaniyang pinagmulan upang paigtingin ang pagmimisyon ng simbahan.
“Itinuturo sa atin ni San Felipe na hindi kailangang maglakbay at lumayo para mag-misyon. Punahin lamang ang mga espasyo sa tahanan, simbahan, at lipunan na nangangailangan ng kaligtasan ni Kristo at maging pasimuno ng pagbabago,” bahagi ng pahayag ni Cardinal Advincula.
Sinabi pa ng arsobispo na ginamit ni San Felipe Neri ang karisma, galing at talino sa pagmimisyon tungkol sa buhay ni Kristo sa bawat taong nakakasalamuha sa iba’t ibang bahagi ng Roma.
Si San Felipe, ayon pa kay Cardinal Advincula ay hindi nanatili sa loob ng mga simbahan sa pagbabahagi ng turo ng Panginoon kundi pinalawak ang paglilingkod sa kapwa, lalo na sa mahihirap at may karamdaman sa pamayanan.
“Sa pamamagitan ng kanyang mga halimbawa at personal at puso sa pusong pakikipag-ugnay sa mga tao mula sa iba’t ibang antas ng lipunan muli niyang napag-alab ang kanilang pagmamahal kay Hesus at napalawig ang kanilang buhay pananampalataya,” ani ng cardinal.
Pinangunahan ni Cardinal Advincula ang ika-158 kapistahan ng parokya kasabay ng pagdiriwang sa ika-400 anibersaryo ng pagkakatalagang santo ni San Felipe Neri.
Tema ng kapistahan ang ‘Apat na Raang Taong Kabanalan ni San Felipe Neri: Kalakbay sa Pagpapanibago, Pag-asa at Kagalakan’.
Kaisa rin ni Cardinal Advincula sa idinaos na misa si Fr. Mon Merino- kura paroko ng parokya at iba pang katuwang na pari.
Dumalo rin sa pagtitipon sina Mandaluyong Mayor Menchie Abalos, mayor-elect Benjamin Abalos at iba pang opisyal ng lokal na pamahalaan at mamamayang nasasakop ng parokya.