572 total views
Ang pagiging misyunero ay bahagi ng puso at misyon ng Simbahan bilang katuwang ni Hesus sa pagpapalaganap ng ebanghelyo.
Ito ang bahagi ng pagninilay ni Archdiocese of Caceres Archbishop Rolando Tria Tirona sa Banal na Misa para sa ika-25 anibersaryo ng Caceres Mission Aid Program na isinagawa sa Parish of St. John the Baptist, Goa, Camarines Sur.
Ayon sa Arsobispo, bahagi o kaakibat ng misyon na iniatang ng Panginoon ang paglabas ng Simbahan upang ganap na maabot ang mga malayo at nasa mga liblib na lugar.
Paliwanag ni Archbishop Tirona, tulad ni Kristo na ipinag-adya ng Panginoon sa daigdig ay marapat ding maging matapang ang Simbahan sa pagharap sa mga hamon upang maisakatuparan ang pangakong kaligtasan ng Panginoon para sa sangkatauhan.
“Ang pagiging misyunero ng Simbahan ay hindi lang role o function kundi nasa naturalesa. It is in the very nature of the Church to be a missionary. Hindi ito dagdag sa trabaho ng Simbahan kundi ang Simbahan sa kanyang kaibuturan, sa kanyang puso ay misyunero dahil ang Simbahan hawak ni Kristo. Si Kristo ang number 1 na misyunero na ipinadala ng Ama,” pagninilay ni Archbishop Tirona.
Binigyang diin naman ng Arsobispo na hindi basta maaring maging ganap na misyunero ng Mabuting Balita ng Panginoon ang isang taong hindi tunay na disipulo o alagad ni Hesus.
“Ang tunay na disipulo, he listens to Jesus and he stays with Jesus kaya ang tunay na misyunero is eminent disciple who listens to the Lord and stays with the Lord, kaya nga sabi ni Christ ‘remain in me and I will remain in you’,” dagdag pa ni Archbishop Tirona.
Ang Caceres Mission Aid Program ay itinatag noong March 26, 1997 sa ilalim ng pangangasiwa ng noo’y arsobispo ng Caceres na si Archbishop Leonardo Legaspi, OP.
Ang naturang programa ay bunga ng nabuong plano at pangako ng arkidiyosesis sa naging pagdiriwang nito ng ika-400 anibersaryo bilang diyosesis noong August 15, 1995 na makapagpadala ng mga pari sa iba’t ibang lugar hindi lamang sa mga diyosesis sa buong Pilipinas kundi maging sa buong daigdig.
Matatandaang nakiisa ang Arkidiyosesis ng Caceres sa hangarin ng Simbahang Katolika sa bansa na makapagpadala ng 500 lay, priests at religious missionaries sa iba’t ibang panig ng mundo kasabay ng paggunita sa ika-500 taon ng Kristiyanismo sa Pilipinas noong nakalipas na taon.