372 total views
Kinilala ng labor groups ang resulta ng isinagawang pag-aaral ng ‘CISCO’.
Lumabas,sa pag-aaral ng CISCO na umabot sa Php340-thousand ang natitipid ng mga manggagawa sa loob ng isang taon sa pagpapatupad ng mga hybrid work system ng dahil sa pandemya.
Ayon kay Leody De Guzman – Chairperson ng Bukluran ng Manggagawang Pilipino ipinakita ng mga ipinatupad ng Hybrid Working System na nadagdagan ng 15% ang pagiging produktibo ng mga manggagawa sa kanilang mga trabaho.
“Dapat sundin ang kahilingan ng mga manggagawa tungkol sa work flexibility dahil suportado naman ito ng datos na nagpapakita ng paborableng benepisyo para sa kanila at sa kompanyang kanilang pinagtatrabahuhan. Tumaas ng 15 % ang produktibidad ng mga manggagagawa sa sistemang hybrid na work arrangement,” ayon sa ipinadalang mensahe ni De Guzman sa Radio Veritas.
Ayon naman sa Alliance of Call Center Workers (ACP) ipinakita ng pag-aaral na mas nakatipid ang mga manggagawa ngayong panahon ng pandemya.
Paliwanag ni Emman Dacvid – ACW Co-convenor, magagamit ng mga manggagawa ang kanilang natitipid bilang karagdagang pondo sa mga bayaring sa bahay, matrikula at insurance fee.
“Ang halagang natitipid ng mga manggagawa ay magagamit nila upang gastusan ang mga bagay tulad ng bahay at lupa, pag-aaral ng mga anak, insurance, at iba pang mga bagay na makapag-aangat ng antas ng kanilang pamumuhay,” ayon din sa ipinadalang mensahe ni David sa Radio Veritas.
Apela ni De Guzman at David sa pamahalaan at mga employers ang pakikinig sa mga manggagawa na muling ipatupad ang mga flexible work arrangement dahil bukod sa benepisyong nararanasan ng mga empleyado ay nakakatulong din ito upang mas mapagyabong pa ang isang kompanya.
Isa sa mga mga pinakakilalang uri ng hybrid working system ay ang work from home arrangement o ang pagtatrabaho ng mga manggagawa sa kanilang mga tahanan.
Kaisa naman ang simbahang katolika ng Pilipinas sa pagpapatupad ng mga polisiyang tutulungang makapamuhay ng may dignidad ang bawat manggagawa at mga pamilyang kanilang sinusportahan.