286 total views
Unti-unti ng bumabalik sa normal ang buhay sa ating bayan. Ang ating mga kalye puno na ulit. Ang mga pamilihan ay bukas na. Malaya na tayong nakakalabas ng bahay. Pati mga bata, bumabalik na rin sa paaralan.
Malaking hakbang, kapanalig, ang pagbabalik eskwela ng mga kabataan. Sa loob ng halos dalawang taon, nanatili sila sa loob ng bahay. Ang kanilang pag-aaral ay nagawa lamang nila sa pamamagitan ng internet at modules. Naging tuloy-tuloy man ang pag-aaral ng marami, mayroon pa ring mga kabataan ang naiwan. Ayon nga sa isang survey, na-obserbahan ng mga 72% ng mga teachers sa ating bansa na may learning loss sa mga batang mula sa mga maralitang pamilya. Ang learning loss, kapanalig, ay reversal o pagkawala ng mga natutunan o pagkawala ng kaalaman at kasanayan dahil sa mga disruptions o pagkagambala sa buhay at pag-aaral ng mga bata.
Ang learning loss na ito, kapanalig, ay kailangan nating mabawi. Malaki ang implikasyon nito sa kinabukasan ng bata dahil may katumbas itong loss of economic opportunity. Kung hindi natin ito maisasaayos, mababawasan ang kanilang productivity pati ang kanilang kikitain sa kinabukasan. Halimbawa, dahil ang isang kabataan ay hindi nakapag-aral o nakakuha ng kasanayan dahil sa pandemya, hindi siya makaka-apply sa trabahong nais niya, na makakapagbigay sa kanya ng disenteng kita.
Kaya nga’t isang malaking hakbang ang pagbubukas ng mga paaralan ngayon para mabawi ang learning loss ng kabataan. Ngunit hindi sapat ito. Marami pang kailangang gawin ang paparating na administrasyon upang tunay nating maingat ang buhay ng ating mga kabataan. Isa sa mga halaga dito ay ang pagbibigay suporta sa mga kabataang maralita, na isa sa pinakamalaking biktima ng pandemya. Pati kinabukasan nila ay kinompromiso ng COVID-19.
Una kailangan ng pamahalaan na tiyakin ang seguridad at kaligtasan ng mga kabataan sa paaralan. Nagbukas man ang eskwelahan, hindi naman nawawala ang COVID-19. Bulnerable ang mga bata dito. Karagdagang gastos din sa kanila ang alcohol at araw-araw na pagsuot ng mask.
Kailangan din matutukan ang mga aralin na naapektuhan ng pandemya. Ang math, halimbawa, ay mahirap ituro online – pero ngayong nagbalik campus na ang mga estudyante, maaaring makabawi tayo ngayon dito. Kailangan din matulungan natin sila pagdating sa access sa internet at gadgets. Ang maralitang bata ay laging di makakahabol kung wala sila ng mga ito.
Pagdating sa learning loss kapanalig, time is of the essence. Literal na naiiwan sa kangkungan ang mga mag-aaral na hahayaan na lamang nating hindi makapag-aral dahil sa kahirapan at pandemya. Hindi ito tama. Hindi ito makatarungan. Sabi nga sa Laudato Si: Our world has a grave social debt to the poor. Malaki ang ating utang sa maralita, at ang utang na ito, kung hindi natin pagbabayaran, ang lalo pang maglulugmok sa kanila sa kahirapan.
Sumainyo ang Katotohanan.