536 total views
Umapela ng pananalangin at pag-aayuno si Marbel Bishop Cerilo Casicas upang mabigyan ng kalinawan ng pag-iisip ang mga lokal na pinuno ng South Cotabato sa panganib ng open-pit mining sa lalawigan.
Sa inilabas na pastoral letter ni Bishop Casicas, hinikayat nito ang mananampalataya na makibahagi sa pagno-nobena para sa Banal na Espiritu hanggang Hunyo 4 kasabay ng paghahanda sa Solemnity of the Pentecost o Pentecost Sunday sa ika-5 ng Hunyo.
“As a family, let us storm heavens with our prayers, begging God to intervene and pour wisdom to the decision makers,” pahayag ni Bishop Casicas.
Hinimok ng Obispo ang bawat mananampalataya na usalin ang ‘Panalangin Para sa Ating Pagmamahal sa Nilikha’ sa bawat Banal na Misa gayundin ang paggamit nito sa pagsisimula at pagtatapos ng pang-araw-araw na gawain.
Inaanyayahan din ni Bishop Casicas ang mananampalataya na mag-ayuno bilang pagsisisi sa mga nagawang kasalanan sa paglabag sa karapatan ng kalikasan.
Ginawa ng Obispo ang panawagan matapos na pahintulutan ng Sangguniang Panlalawigan ng South Cotabato na tanggalin na ang 12 taong pagbabawal sa open-pit mining sa lugar.
Ang desisyong ito ang muling magpapahintulot sa malawakang operasyon ng pagmimina sa lalawigan, kabilang na ang $5.9 bilyong Tampakan copper-gold mining project ng Sagittarius Mines, Inc.
“The decision was deeply lamentable. We balk and fight for the welfare of our common home – the Earth! We fight for the people of South Cotabato and its neighboring Municipalities,” saad ni Bishop Casicas.
Ang Tampakan mining project ay itinuturing bilang isa sa “largest untapped copper-gold deposit” sa Southeast Asia at kabilang sa pinakamalaki sa buong mundo.
Inaasahang makakakuha dito ng tinatayang 375-libo toneladang tanso at 360-libong ginto taun-taon.
Maliban sa maidudulot na malaking pinsala sa kalikasan, lubha ring maaapektuhan ng mining projects ang higit sa 1,000 mga katutubong nanganganib na paalisin sa kanilang mga katutubong lupain.
PANALANGIN PARA SA ATING PAGMAMAHAL SA NILIKHA
Diyos na lumikha,
Tinawag mo kami upang magkaroon ng mapagmahal na relasyon sa buong Mundo, mamuhay nang may paggalang sa paglikha, sa pagpili ng pag-ibig at paghanap ng katarungan sa lahat ng oras.
Sa halip, ang sangkatauhan ay namuhay sa mapoot na paraan, sa pagsasamantala sa likas na yaman, sa pagpili ng kapangyarihan at paghahanap ng kayamanan sa kasalukuyan bagkus paghandaan ang kasaganaan para sa kinabukasan. Kailangan namin ang iyong tulong upang lumaban para sa ikagaganda ng aming kinabukasan!
Tulungan mo kaming gisingin muli ang aming pagmamahal sa lyong napakagandang nilikha na kami, sampu ng aming pagkamalikhain at kaalaman, kailanman ay di namin ito maipapaliwanag.
Liwanagan Nyo po ang kaisipan ng aming mga mambabatas at mga opisyal ng gobyerno upang maisasalarawan nila ang panawagan ng Ebanghelyo at upang mapanatili ang buhay at kultura kahit ano pa man ang mangyari.
Bigyan N’yo din po ng karunungan ang aming mga pinuno upang sama-sama kaming makalikha ng isang mapagpatuloy at tapat na tugon sa napipintong krisis sa klima ng mundo.
Para sa kapakanan ng iyong marilag na nilikha, at para sa aming pagmamahal sa lahat ng relasyon,
tulungan mo kaming lumaban para sa ikagaganda ng aming kinabukasan.
Ito ang aming hiling sa pangalan ng lyong Anak, sa pagkakaisa ng Espiritu Santo, Diyos magpakailanman.