529 total views
Nagbabala ang BAN Toxics-isang environmental group laban sa pagbili at pagbebenta ng mga pambatang PVC raincoat na nagtataglay ng mapanganib na kemikal.
Napag-alaman sa pagsusuri ng grupo na ang nasabing raincoat ay mayroong mataas na antas ng lead at cadmium na maaaring magdulot ng malubhang epekto sa katawan lalo na sa mga bata.
Ayon kay Thony Dizon, Toxics Campaigner ng BAN Toxics na bahagi ng kanilang kampanyang Toxics-Free Schools Program na ipamulat sa publiko ang kamalayan hinggil sa mga nakakalasong kemikal mula sa mga produktong pambata.
“Ang proteksyon ng ating mga anak mula sa nakakapinsalang kemikal ay kanilang karapatan at ating responsibilidad,” ayon kay Dizon.
Sa pagsusuri ng World Health Organization, ang lead ay kemikal na maaaring magdulot ng panganib sa mga tao, lalo na sa utak at central nervous system na nagiging sanhi ng comatose o pagkasawi.
Habang ang cadmium naman ay nagdudulot ng nakalalasong kemikal sa bato, maging sa skeletal at respiratory system.
Itinuturing din ito bilang human carcinogen na nagdudulot ng kanser.
“Tinatawagan din namin ang atensyon ng mga nagtitinda ng mga produktong pambata na magbenta lamang ng mga produkto na sumailalim sa product safety standards, kabilang ang kumpletong etiketa ng produkto at chemical information upang gabayan ang mga mamimili,” dagdag ni Dizon.
Nakasaad sa Catholic Social Teaching na bagamat sang-ayon ang simbahan na kumita ang isang namumuhunan, kinakailangang ang negosyo nito ay hindi nagdudulot ng kapahamakan sa kalusugan o buhay ng tao.