499 total views
Ikinatuwa ng Archdiocese ng Tuguegarao ang pagiging COVID-19 free ng Tuguegarao City makalipas ang dalawang taon ng pandemya.
Ayon kay Fr. Andy Semana, social action director ng arkidiyosesis, dapat ipagpasalamat sa Panginoon na unti-unti nang bumubuti ang kalagayan hindi lamang ng lungsod, kun’di ng buong bansa mula sa epekto ng pandemya.
“Salamat sa Panginoong Diyos dahil COVID-19 free na tayo. Pero kailangan pa rin nating mag-ingat at siguro magagawa natin ito sa pamumuhay ng malinis,” pahayag ni Fr. Semana sa panayam ng Radio Veritas.
Batid ngayong panahon ng pandemya ang paglulunsad ng iba’t ibang programa partikular na sa kalinisan ng kapaligiran upang mapanatili ang kaligtasan ng tao laban sa iba’t ibang karamdaman.
Iginiit ni Fr. Semana na ang mga programang katulad nito ay hindi lamang manatili ngayong pandemya bagkus ay isabuhay at ipalaganap sa kapwa at komunidad
“Ang programang pangkalinisan ay hindi lamang ‘pag may pandemya. Kailangang isabuhay ito at maging way of life upang sa ganon maging masigla ang bawat isa at ang sambayanan,” ayon kay Fr. Semana.
Batay sa ulat ng Tuguegarao City Health Office na sa nakalipas na dalawang taon ng pandemya ay nakapagtala ang lungsod ng kabuuang 18,750 na kumpirmadong kaso ng COVID-19.
Sa nasabing bilang, 606 dito ang bilang ng mga nasawi habang 18,144 naman ang mga gumaling.
Sa kabila ng zero record, hinimok ng City Health Office ang mga residente na ipagpatuloy ang pagsunod sa minimum health protocols at pagpapabakuna laban sa virus dahil ang lungsod ay nananatili pa rin sa Alert Level 1 status.