428 total views
Kinatigan ng financial analyst na si Astro Del Castillo ang pagkakatalaga ni President-elect Ferdinand Marcos Jr. ng “economic czars” na mangangasiwa sa ekonomiya ng Pilipinas.
Magiging economic czars ni B-B-M sina Alfredo Pascual bilang secretary ng Department of Trade and Industry (DTI), Arsenio Balisacan na magiging National Economic and Development Authority (NEDA) chief, at Benjamin Diokno na kalihim ng Department of Finance (DOF).
“Wini-welcome namin yung appointment ni incoming president BBM, halos kasamahan din namin sa finance and investment industry sina Secretary Diokno, bilang ekonomista kilala din naman natin si Secretary Balisacan, Talagang expert sila sa kanilang industriya at sa kaniya-kaniyang field at may experience,” pahayag ni Del Castillo sa Barangay Simbayanan program ng Radio Veritas
Bukod sa pagkilala sa pagkaka-talaga kay Alfredo Pascual ay ipinabatid ni Del Castillo ang kahalagahan na matutukunan ng susunod na kalihim ng DTI ang suportang higit na kinakailangan ng maliliit na negosyo.
Nilinaw ni Del Castillo na mas marami ang bilang ng mga manggagawa sa Micro Small and Medium Enterprises (MSME) kumpara sa mga malalaking kompanya o korporasyon na umaabot sa 65-porsiyento.
Iminungkahi din ni Del Castillo na tutukan ng mga susunod na economic managers lalu ng kalihim ng Department of Agriculture (DA) ang pangangailangan ng lokal na sektor ng agrikultura sa Pilipinas.
“Isa yan sa concern namin sa agriculture, sana ang ma-appoint ay si Angelique sa DA, talagang Techonocrat. Napaka-importante ng food insutry lalo na ngayon may food crisis tayo na inamin ng gobyerno at sinasabi rin ng mga expert sa ibang bansa, especially nabanggit nga noong World Economic Forum ng mga international expert sa ekonomiya at sa ibat-ibang bansa,” pahayag ni Del Castillo
Ipinaliwanag ni Del Castillo na mahalagang magkaroon ng balanseng pamamahala ang susunod na Agriculture Secretary sakali mang maisabatas ang Regional Comprehensive Economic Partnership upang mapalakas ang export at import industry ng Pilipinas habang pinapalakas ang produksyon ng lokal na agriculture sector.
Unang tiniyak ng Caritas Manila ang pagpapalakas ng Economic Empowerment Programs upang matulungan ang mga mahihirap na magkaroon ng dignidad at maiangat ang antas ng kanilang pamumuhay.