435 total views
Mga Kapanalig, pagkatapos ng eleksyon noong Mayo 9 at nang malinaw na kung sinu-sino ang mga nanalo sa pagkapangulo at pagkapangalawang pangulo, umingay ang usap-usapang gagawin nang mandatory muli ang ROTC (o ang Reserve Officers’ Training Corps).
Ito kasi ang isa sa mga plano ng bagong bise-presidente na si Davao City Mayor Sara Duterte na tinanggap ang pagiging kalihim ng Department of Education (o DepEd) sa ilalim ng administrasyon ni Pangulong Bongbong Marcos. Noong panahon ng kampanya, sinabi niyang imumungkahi niya ang pagbabalik ng ROTC kung saan ang mga Pilipinong edad 18 pataas ay kailangang mag-military service. Bagamat itinanggi niyang ito ang magiging prayoridad ng DepEd sa ilalim ng kanyang pangangasiwa, sinabi niyang panahon nang magkaroon ng pagbabago sa sistema ng edukasyon sa ating bansa. Kailangan daw nating humubog ng bagong henerasyon ng mga kabataang “disciplined and patriotic”, may disiplina at pagmamahal sa bayan. Ang mga ito raw ang katangiang dapat taglay ng mga kabataan ngayon upang maging katuwang ng gobyerno sa pagkakaroon ng mapayapa at maunlad na bansa.
Disiplina at pagkamakabayan nga ba ang kulang sa ating mga kabataan ngayon?
Kung babalikan ang mga pagsusuring ipinagawa ng World Bank, sinasabing 80 percent o walo sa sampung batang Pilipino ang hindi nakakaalam ng mga bagay na dapat nilang nalalaman. Isa sa bawat apat na estudyante sa Grade 5 ang walang reading at mathematics skills na dapat natutunan nila noong sila ay nasa Grade 2 o 3. Apat sa limang estudyanteng edad 15 naman ang hindi nauunawaan ang mga basic mathematical concepts katulad ng fractions at decimals, mga bagay na dapat alam na nila noong Grade 5 sila.
Sa 79 na bansang kasali sa Program for International Student Assessment (o PISA) na sumusukat sa dunong ng mga estudyanteng 15 taong gulang sa reading, math, at science, pangalawa sa dulo ng listahan ang Pilipinas. Sa Trends in International Mathematics and Science Study (TIMSS), kulelat din ang Pilipinas sa listahan ng 58 bansa kung ang pag-uusapan ay ang dunong sa math at science ng mga nasa Grade 4. Gamit ang mga datos na ito, sinabi ng World Bank na mayroon tayong krisis sa edukasyon sa Pilipinas. At maaari pa itong lumala ngayong patuloy ang COVID-19 pandemic.
Marami at malalalim ang dahilan kung bakit mababa ang performance ng ating mga mag-aaral sa reading comprehension, math, at science. Hindi kaya ang mga ito ang dapat tutukan ng DepEd kung naniniwala tayong ang mga Pilipinong may pinag-aralan ay mga produktibong mamamayan? Hindi natin sinasabing hindi mahalaga ang pagkakaroon ng disiplina at pagmamahal sa bayan, ngunit may mas kritikal na mga problema ang sektor ng edukasyon sa ating bansa. Sabi nga sa Catholic social teaching na Populorum Progressio, ang basic education—na sa Pilipinas ay ang tinatawag ngang K-12—ay pangunahing salik ng anumang planong pangkaunlaran. Ang kagutuman sa edukasyon ay kasintimbang ng kagutuman sa pagkain, at kung walang maayos na edukasyon ang mga tao, mahirap makamit ang kaunlarang pakikinabangan ng lahat.
Dahil hindi naman mula sa sektor ng edukasyon ang bagong bise-presidente, makatuwang sana niya ang mga mahuhusay na guro at educators sa pagbubuo ng mga programang tutugon sa krisis natin sa edukasyon. Totohanin din sana niya ang sinabi niyang hindi magiging prayoridad ang pagbabalik ng ROTC na maaaring kumuha pa ng malaking pondo sa budget ng pamahalaan.
Mga Kapanalig, wika nga sa Ecclesiastes 9:18, “Ang karunungan ay makapangyarihan kaysa sandata ngunit ang isang pagkakamali ay nagbubunga ng malaking pinsala.” Kita naman natin kung gaano napapahamak ang ating bansa kapag ang mga mamamayan ay walang sapat na edukasyong magbubukas sa kanilang mga mata at isipan. Huwag na sana itong magpatuloy pa.