498 total views
Mariing kinundena ng Prelatura ng Isabela de Basilan ang karahasan sa Isabela City noong Mayo 30.
Sa pahayag ni Bishop Leo Dalmao, hindi makatarungan ang anumang uri ng karahasan sa lipunan sa halip ay nararapat na magtulungan ang mamamayan sa pagsusulong ng pagkakaisa at kapayapaan.
“I condemn the incident and asked each one to continue on supporting all effort to live in a peaceful environment and work together to sustain peace,” bahagi ng pahayag ni Bishop Dalmao.
Batay sa imbestigasyon ng mga awtoridad sa Basilan, isang Improvised Explosive Device(IED) ang sumabog sa Valderosa St. Isabela City Basilan na ikinasugat ng dalawang indibidwal.
Iginiit ni Bishop Dalmao na walang puwang sa lipunan ang kasamaan bagkus isulong ang pagkakapatiran para sa pag-unlad at pag-usbong ng ekonomiya at pamayanan.
Batid ng obispo ang pag-unlad ng Basilan sa lahat ng aspeto dahil sa pagtutulungan ng mamamayan na itaguyod ang kapayapaan sa lugar.
“The peaceful atmosphere has encouraged businesses to grow and people to live in harmony with each one regardless of faith and culture,” dagdag pa ng obispo.
Nabahala si Bishop Dalmao na maulit ang mga nakaraang negatibong karanasan ng Basilan dahilan upang bumagal ang paglago ng lalawigan.
Dahil dito hinikayat ng obispo ang bawat isa na maging tagapagtaguyod ng kapayapaan at magbuklod sa kapakinabangan ng buong pamayanan.
“We are instead challenged to take active role in the promotion of peace, development, and human fraternity,” giit ni Bishop Dalmao.
Apela ng obispo sa mga naghahasik ng karahasan na makiisa sa pamahalaan, simbahan at iba’t ibang grupong nagsusulong ng pagkakaisa at kapayapaan sa bawat komunidad.