759 total views
Nagpahayag ng pagtutol ang South Cotabato Medical Society (SCMS) hinggil sa pagpapahintulot ng open-pit mining sa lalawigan.
Ayon sa pahayag ng grupo, nakakabahala ang maaaring maging epekto ng pagmimina sa lalawigan sakaling tuluyan itong pahintulutan ng Sangguniang Panlalawigan ng South Cotabato.
“Large-scale open-pit mining can bring unimaginable repercussions not only to the mine workers and Tampakan community but also to the neighboring towns and provinces. It will provide jobs but with considerable health hazards,” pahayag ng SCMS.
Sinabi ng SCMS na ang kemikal na magmumula sa mga minahan ay lubhang makakaapekto sa kalikasan lalo na sa mga ilog at karagatan, hangin, at maging sa mga kabundukan at kagubatan.
Iginiit ng samahan ng mga medical practitioner sa lalawigan na kaakibat ng pinsalang dulot ng pagmimina sa kalikasan ay ang panganib din sa kalusugan at kabuhayan ng mga pamayanang nakapaligid dito.
Ilan sa mga karamdamang maaaring makuha sa kemikal mula sa pagmimina ay ang sakit sa balat, cancer, mental at neurologic condition, at respiratory diseases tulad ng pneumonia, bronchial asthma, at chronic obstructive pulmonary disease.
“The bottom line of this is destruction of the ecosystem and consequent threat to health and quality of life of our people. These adverse effects can be felt long after the end of mining activity,” paliwanag ng grupo.
Umaapela naman ang SCMS kay South Cotabato Governor Reynaldo Tamayo, Jr. at sa mga opisyal ng lalawigan na baguhin ang desisyon hinggil sa pag-amyenda sa environmental code ng lalawigan.
Panawagan ng grupo na dapat manatili sa lalawigan ang pagbabawal sa open-pit mining at huwag nang hayaang makapasok ang mga makapangyarihang kompanya na pinsala lamang ang dulot sa kapaligiran.
“As champions chosen by our people, we implore your role in protecting the people and deciding for the best interests of South Cotabato,” ayon sa pahayag.
Kaugnay nito, kabilang ang Diyosesis ng Marbel sa naunang nagpahayag ng pagtutol at pangamba hinggil sa panganib ng pagmimina sa South Cotabato.
Kasalukuyang nagsasagawa ng iba’t ibang programa ang diyosesis tulad ng ‘prayer march’ bilang panawagan upang pigilan ang pagsasamantala sa inang kalikasan.