410 total views
Naninindigan ang Diyosesis ng Balanga laban sa planong buhayin ang Bataan Nuclear Power Plant (BNPP) bilang tugon sa krisis sa enerhiya ng bansa.
Ayon kay Bishop Ruperto Santos, nananatiling matatag ang paninindigan ng diyosesis upang tutulan ang operasyon ng B-N-P-P.
“Our pastoral statement of no to BNPP rehabilitation stands,” mensahe ni Bishop Santos sa panayam ng Radio Veritas.
Sinabi ng Obispo na hindi ganap na matutugunan ng nuclear plant ang pangangailangan sa kuryente ng bansa at magdudulot lamang ng panganib sa kalusugan ng tao at kalikasan.
Naunang napag-alaman sa feasibility study ng Korea Electric Power Corporation na ang rehabilitasyon sa BNPP ay maaaring gumastos ng humigit-kumulang $1-bilyon sa loob ng apat hanggang limang taon.
Iginiit ni Bishop Santos na ang ilalaang $1-bilyong pondo ay masasayang din lamang para sa rehabilitasyon ng nuclear power plant.
Iminungkahi ng Obispo na makabubuting gamitin na lamang ang pondo bilang puhunan para sa renewable energy resources tulad ng solar, hydropower, wind energy, at iba pa na ligtas at abot-kaya para sa lahat.
“They should focus on renewable energy, like windmills in Ilocos Norte. So, why not promote that?,” giit ni Bishop Santos.
Ang BNPP ang pinakauna at nag-iisang nuclear power plant sa bansa na magpahanggang ngayon matapos itayo sa ilalim ng rehimeng Marcos noong 1984 sa halagang $2.3 bilyon ay hindi pa nagagamit.
Hindi natuloy ang pagbubukas nito dahil sa mga usapin tungkol sa katiwalian at kaligtasan, na nadagdagan pa ng pangamba kasunod ng naganap na sakuna sa Chernobyl Nuclear Power Plant sa Ukraine noong 1986.