349 total views
Hindi maitatatwa na sa ating lipunan, mas maraming hadlang sa kaunlaran ng kababaihan kaysa sa kalalakihan. Malayo man ang ating narating sa larangan ng gender equality, marami pa ring isyu ang kailangan nating harapin pagdating sa kapakanan ng babae. Mas nakita nga ang mga hadlang na ito nitong pandemya, kung saan ang babae ang nagpasan ng mas maraming mga burdens o problema, gaya ng kawalan ng trabaho at domestic care work.
Ayon nga sa International Labour Organization (ILO), mga 5% mga babae sa buong mundo ang nawalan ng trabaho sa panahon ng pandemya, kumpara sa 3.9% sa lalake. Sa ating bansa, 8.3% ang jobless rate sa hanay ng babae noong Agosto 2021 kumpara sa 7.9% sa lalake.
Pagdating naman sa unpaid care at domestic work, may isang pag-aaral nga na nagpapakita na babae ang nagpapasan nito, may trabaho man sila o wala. Tinatayang mga 13 oras kada araw ang ginugugol ng mga babae para sa gawaing bahay, dagdag pa sa trabaho nila sa opisina o sa mga factory. Ang hirap baguhin nito, kapanalig diba. Kahit na mas marami ng lalaki ngayon ang sanay na sa gawaing bahay, marami pa rin sa ating mga kababayan ang nalilimita sa mga deeply ingrained stereotypes – kaya ang trabahong bahay ay mas laging napupunta sa mga babae.
Maliban sa stereotypes, hindi rin natin maiangat-angat ang ating persepsyon ukol sa gawaing bahay. Hindi natin binibilang ang value o kahalagahan nito kahit pa ilang ulit sabihin ng ating mga nanay sa atin, hindi ba? Laging libre ang ating pagtingin dito – kasama sa sakripisyo na dapat binibigay ng tao, lalo na ng mga babae sa tahanan.
Kapanalig, kailangan na natin kongkretong suportahan ang mga kababaihan sa ating tahanan at paligid. Kailangan natin ng mga investments o pamumuhunan na makakatulong sa kanilang pang-araw araw na buhay. Isa sa ating maaaring masimulan ay ang pagkakaroon ng pamumuhunan para sa mas responsive na child-care at elderly care sa community level upang may kaagapay ang mga magulang sa pag-aaruga sa mga anak at mga lolo at lola, na dalawa lamang sa ga mahahalagang care work sa ating tahanan. Pwede ring tayo magsimula ng mga kabuhayang magagawa ng mga kababaihan mula sa kanilang mga komunidad upang abot-kamay lang din naman trabaho.
Tandaan sana natin, ang kaunlaran ng kababaihan ay kaunlaran ng lahat. Dito, napakahalaga na walang iwanan, na siya ring gabay sa atin ng Deus Caritas Est: Walang puwang ang kahirapan sa kalipunan ng mga nananalig at nagmamahal sa Diyos. Kung lagi na lamang natin mas pahihirapan ang babae sa ating lipunan, salat ito sa katarungan at pag-ibig na nais na maipalaganap ating Panginoon sa sandaigdigan.
Sumainyo ang Katotohanan.