824 total views
Homiliya Para sa Huwebes sa Ikapitong LInggo ng Pagkabuhay, 02 Hunyo 2022, Jn 17:20-26
“Divide and conquer” and tawag sa Ingles sa ginamit na paraan ni San Pablo sa ating unang pagbasa. Mukhang siniryoso talaga niya ang inihabilin ni Hesus sa kanyang mga alagad: na “Maging maamong gaya ng kalapati at tusong gaya ng ahas.” Ginamitan niya ng katusuhan ang mga miyembro ng pinakamataas na konseho ng mga Hudyo: ang SANHEDRIN.
Noong una pinagkakaisahan nila na hatulan ng kamatayan si Pablo, katulad ng ginawa nilang paghatol kay Hesus. Pero matinik si Pablo, alam niyang mababaw lang ang kanilang pagkakaisa. Dahil dati rin siyang Pariseo, alam niya ang mga pagkakaiba nila ng pananaw sa relihiyon sa mga Saduseo. Alam niya na di tulad ng mga Pariseo, ang mga Saduseo ay hindi naniniwala sa muling pagkabuhay. Hindi rin sila naniniwala sa mga anghel o mga espiritu, mabuti man o masama.
Kaya nang tanungin niya ang Sanhedrin, “Ako ba’y nililitis ninyo dahil ako’y naniniwala sa muling pagkabuhay ng mga yumao?”, nagkagulo na sila. Ang dating pagkakaisa nila ay biglang nagkawatak. Imbes na PAGKAKAISA, ang nangibabaw ay ang kanilang mga PAGKAKAIBA ng mga pananaw.
Kapag mababaw, o di-patas, o hindi makatarungan ang pinagkakaisahan, talagang hindi ito magtatagal. Mabubuwag din sa bandang huli. Sa kasaysayan marami nang mga bansang dating nagkakaisa ang sa katagalan ay nagkawatak. Ang dating United Kingdom of Israel na binuo ni King David ay nahati sa dalawa pagkamatay ni King Solomon: Northern Kingdom at Southern Kingdom. Ang dating iisang Korea ay naging dalawang bansa rin: North and South. Ang Germany naging East and West Germany, pero muling nagkaisa.
Maraming mga Eastern European countries and dating nakapaloob sa USSR. Noong 1990s nagkawatak-watak sila hanggang sa ang maiwan ay ang Russia na lang. Ang mga West European countries naman ay bumuo ng European Union. Pero sa katagalan, kumalas din ang Great Britain; nag-“Brexit” sa European Union. Tayo kaya, ang Pilipinas, mananatiling kaya tayong isang bansa? Hindi ba ang pangalang Luzviminda ay simbolo ng pagkakaisa ng Luzon, Visayas at Mindanao? Kapag kumalas si Minda, aba magiging Luzvi na lang ang Pilipinas.
Ano ba ang sikreto ng tunay na pagkakaisa? Ito ang itinuturo ni Hesus sa ebanghelyo natin ngayon. Medyo paulit-ulit ang dating ng sinasabi niya: halimbawa, sabi niya sa kanyang panalangin, “Maging isa nawa silang lahat, Ama, kung paanong IKAW AY SUMASAAKIN at AKO AY SUMASAIYO.”
Bakit hindi sapat para sa kanya na sabihing “Magkaisa nawa sila kung paanong tayo ay nagkakaisa?” Bakit kailangan pa niyang idugtong, “kung paanong IKAW AY SUMASAAKIN at AKO AY SUMASAIYO.”? Sa Ingles, ang tawag sa ganoon ay “mutual.” Ganoon naman talaga kung ibig nating magkaisa talaga ng puso at diwa. Hindi “one way” ang galaw kundi “dalawang direksyon.” May tunay na dialogue, may pakikipagkapwa-kalooban.
Paano mag-uusap ang dalawang tao kung isa lang ang nagsasalita at walang choice ang kausap kundi ang makinig at sumunod? Ganyan sa relasyon ng amo at alipin. Kaya sinabi ni Hesus, “Hindi alipin kundi kaibigan ang turing ko sa inyo.”
Paano magkakaisa ang mga taong hindi marunong makinig o hindi man lang magbigay ng pagkakataon sa kausap na sumagot? Hindi magkakaroon ng pagkakaisa ang mga hindi handang kumilala o tumanggap sa mga pagkakaiba nila ng pananaw, kultura, kaugalian, at mga paniniwala? Mababaw ang pagkakaisa kapag pinipilit o tinatakot ang tao sa sumang-ayon kahit labag sa kalooban. Hindi nakukuha ang unity sa pamamagitan ng sapilitang uniformity. Hindi porke mukhang nagkakasundo ang mga tao ay nagkakaisa sila talaga. Kahapon narinig natin ang sabi ni Hesus: katotohanan lamang ang tunay na batayan ng pagkakaisa.
Minsan akala natin ang mga sinaunang Kristiyano ay laging nagkakasundo o nagmamahalan. Hindi po. Maraming beses din silang hindi magkaunawaan, hindi magkasundo, hindi magkasalubong sa isa’t isa. Maraming beses ding nanganib na mabuwag ang kanilang pagkakaisa. Iyon ang dahilan kung bakit isinugo ni Hesus ang Espiritu Santo. Hindi naman para maging iisa na lang ang kanilang linggwahe, kundi upang buksan ang kanilang puso at diwa upang matutong makinig at gumalang sa isa’t isa, upang mapag-aralang tumanggap sa kanilang mga pagkakaiba. Ito ang tinatawag na PAG-IBIG ni Hesus. Hindi sisibol ang pagkakaisa kung walang PAGIBIG.
Ang yumaong Pope John XXIII ang nagpasikat doon sa kasabihang Latin na hindi pa rin alam hanggang ngayon kung sino ang unang nagsabi. “In necessariis, unitas; in dubiis, libertas; in omnibus, caritas.” Sa English: “In essential things, unity; in doubtful matters, liberty; but in everything, charity.” Sa Tagalog, “Sa mga bagay na mahalaga, magsumikap na magkasundo. Sa mga sitwasyon na may pagdududa, igalang ang kalayaan ng isa’t isa. Ngunit sa lahat ng bagay, hayaang manaig ang pag-ibig.”