476 total views
Ang Espiritu Santo ay nagsisilbing spiritual oxygen na magliligtas sa sangkatauhan mula sa espiritwal na polusyon at usok na nagmumula sa apoy ng kasinungalingan at panlilinlang.
Ito ang bahagi ng pagninilay ni Kalookan Bishop Pablo Virgilio David sa pagdiriwang ng Linggo ng Pentekostes o ang pagbaba ng Banal na Espiritu 50-araw makaraan ang Linggo ng Muling Pagkabuhay ng Panginoon.
Ayon sa Obispo na siyang Pangulo ng Catholic Bishops’ Conference of the Philippines (CBCP), ang Espiritu Santo ay ang Banal na Hininga ng Diyos na siyang kinakailangan ng bawat isa bilang gabay upang makaligtas sa pagkahimatay mula sa iba’t ibang mga espiritwal na polusyon at pagsubok sa araw-araw.
“Kung polluted ang hangin mas polluted ang digital space. Kapag hinayaan talaga nating masunog ang daigdig at mapuno ng usok ng kasinungalingan at panlilinlang, kapag tuluyan na tayong nawalan ng tiwala sa isa’t isa, aba’y talagang trahedya ang kahihinatnan nating lahat. Ang Espiritu Santo ay ang Banal na Hininga ng Diyos, ito ang ating spiritual oxygen na siya lamang magliligtas sa atin sa pagkahimatay sa mga sunog na hinaharap natin araw-araw sa ating mga buhay sa matalinhagang pananalita.”pagninilay ni Bishop David.
Ibinahagi ng Obispo na kung laganap na ang polusyon sa hangin dulot ng kapabayaan sa kalikasan ay puno ng polusyon at basura ang digital space na nagdudulot ng espiritwal na polusyon sa lipunan.
Ipinaliwanag ni Bishop David na ang mga nakakalasong pag-iisip, damdamin, disimpormasyon at palitan ng mga masasamang salita sa iba’t ibang social media platforms ay nagdudulot ng espiritwal na polusyon.
Sinabi ng Obispo na nagdudulot ito sa bawat isa ng pangamba, takot at pagdududa sa kapwa.
“Ang araw na ito ng Pentekostes ay nagpapaalala sa atin na kung matindi ang pisikal na polusyon na dulot ng kapabayaan natin sa ating kapaligiran, di hamak na mas matindi ang espiritwal na polusyon sa ating lipunan. Alam natin kung gaano kalaganap ang napaka-toxic na pag-iisip at damdamin na nagdudulot ng mga takot, pangamba, at mga pagdududa sa ating lahat. Alam natin kung gaano kabilis kumalat ang nakalalason na mga salita, mga palitan ng comments sa Facebook, Tiktok, Twitter, Instagram sa lahat ng mga social media platforms, ang malaganap na disimpormasyon at pagkakalat ng espiritwal na basura sa digital space.” Dagdag pa ni Bishop David.
Umaasa naman si Bishop David na maging bukas ang lahat sa isa sa mga mahalagang mensaheng hatid ng Espiritu Santo sa sanlibutan -ang kakayang magpatawad at humingi ng tawad.
Ang Pentekostes ay ang pagbaba ng Banal na Espiritu 50 araw makalipas ang Muling Pagkabuhay ng Panginoong Hesukristo upang maghatid ng kapayapaan sa buhay ng tao at sa buong sanlibutan.