462 total views
Hinimok ng Kanyang Kabunyian Manila Archbishop Jose Cardinal Advincula ang mananampalataya na tularan ang Mahal na Birheng Maria na buong katapatang sumunod sa kalooban ng Panginoon.
Ayon sa cardinal mahalagang mahubog ang tao sa mga gawi ng Mahal na Ina at mamuhay sa kabanalan tungo kay Hesus.
“Hayaan nating palakihin at hubugin tayo ng ating Mahal na Ina sa pananampalataya, pag-ibig, at pag-asa upang mas matulad tayo sa kanyang anak na si Hesus,” bahagi ng pagninilay ni Cardinal Advincula.
Paalala ito ng Kardinal sa Banal na Misa ng paghahanda sa ika – 75 anibersaryong pagkatatag ng Barangay Sang Virgen sa Immaculate Conception Parish sa Las Piñas City noong June 6, 2022.
Batid ni Cardinal Advincula ang malalim na debosyon ng mga Pilipino sa Mahal na Ina kung kaya’t kinilala itong Pueblo Amante de Maria o bayang namimintuho sa Mahal na Birhen.
Sinabi ng Arsobispo ng Maynila na makikita ito sa mga isinasagawang novena, debosyon at prusisyon sa iba’t ibang dako ng bansa.
“Authentic love for Mary entails constant communion and imitation of her in her perfect discipleship of her Son. Loving her means listening to and obeying her when she says: “Do whatever he tells you,” ani ng cardinal.
Inihayag naman ni Father Christopher Tejido, Spiritual Director ng Barangay Sang Virgen Luzon Chapter na maganda ang bunga ng samahang nakatulong lumago ang pananampalataya ng mga Pilipino lalo na sa pagdarasal ng Santo Rosaryo.
“What is unique and significant sa organisasyon na ito yung mga kalalakihan lalo na ang mga tatay ang nagli-lead ng rosary kaya nga yung mga kaparian na produkto ng ganitong henerasyon everytime makikita ang image (Barangay Sang Virgen) sinasabi na dito ako natuto magdasal ng rosaryo,” paghayag ni Fr. Tejido sa panayam ng Radio Veritas.
Aminado ang pari na sa pamamagitan ng debosyon sa Birhen ng Barangay nahubog ang kanyang bokasyon sa pagpapari.
Ibinahagi ni Fr. Tejido na nakatulong din ang grupo sa paglago ng pananampalataya makalipas ang limang sentenaryo ng kristiyanismo sa bansa.
Inilarawan ng pari ang kasuotan ng Mahal na Birhen ng Barangay kung saan ang nakatapis ng kulay pula at ginto na sagisag ng watawat ng Spain na pinagmumulan ng kristiyanismo.
“Nagpapatuloy ang ipinunlang pananampalataya ng mga Espanyol sa pamamagitan ng pagdadasal ng Santo Rosaryo at binibigyang pagpapahalaga ang pagpatatag ng pamilya,” giit ni Fr. Tejido.
Ayon sa kasaysayan naitatag ang Barangay Sang Virgen noong 1949 makaraang gumaling sa karamdaman si Antonio Gaston, dating alkalde ng Silay Negros Occidental.
Mayo 1, 1955 nang kilalanin ng Catholic Bishops’ Conference of the Philippines – Episcopal Commission on the Laity ang grupo na pangunahing layunin ang ituro ang doktrina ng simbahan, palaganapin ang debosyon ng Mahal na Ina lalo na sa pagdarasal ng Santo Rosaryo at palalimin ang pananampalatayang kristiyano sa buong bansa.