11,101 total views
Isinusulong ng transport advocates ang pagpapaganda sa pampublikong transportasyon sa bansa bilang tugon sa patuloy na pagtaas ng presyo ng produktong petrolyo.
Sa panayam ng Veritas Pilipinas kay AltMobility PH Executive Director Ira Cruz, naniniwala itong mabawasan ang paggamit ng sasakyan ng mamamayan kung may maayos at maginhawang public transportation lalo na sa kalakhang Maynila.
Kabilang na rito ang service contracting sa mga public utilitiy drivers sa halip na komisyon ang tatanggapin upang magkaroon ng pantay na kita at matulungang mapaunlad ang sektor ng transportasyon.
“Isang pamamaraan upang matulungan ang ating mga kababayan ma-insulate sa direct effect ng pagtaas ng presyo ng gasolina ang service contracting ng ating mga driver ng public transportation, magkakaroon sila ng suweldo sa halip na komisyon; kapag ganito ang pamamalakad gumaganda ang standards ng public transportation,” pahayag ni Cruz sa Radio Veritas.
Bukod pa rito isinusulong din ng grupo ang paggamit ng bisikleta na isang magandang alternatibo sa trasnportasyon subalit kinakailangan lamang na magkaroon ng mga polisiya at wastong imprastraktura para ditto.
Ibinahagi ng grupo na 2019 nang maghain ng commuter bill of rights sa kongreso kung saan nakapaloob dito ang mobilidad ng mamamayan kabilang na ang mga senior citizen at may kapansanan.
Umaasa si Cruz na tutukan ng susunod na administrasyon ang pagtalaga ng mga opisyal ng pamahalaan na nakauunawa sa hinaing ng libu-libong commuters lalo sa Metro Manila.