415 total views
Mga Kapanalig, prioridad ni Atty. Trixie Cruz-Angeles, ang incoming Presidential Communications Operation Office (o PCOO) chief, na bigyan ng accreditation ang mga vloggers para makadalo sa mga press briefings sa Malacañang at iba pang aktibidad ng President-elect na si Ferdinand “Bongbong” Marcos, Jr.
Nang tanungin naman kung papayagan ba ng PCOO, sa ilalim ng kanyang pamumuno, ang lahat ng mamamahayag at media groups na pisikal na i-cover ang mga kaganapan ng pangulo, sinabi ni Angeles, na isa ring vlogger, na pag-aaralan pa raw ang mga umiiral na patakaran saka nila tutukuyin kung ano ang nararapat.
Nagbibigay-daan sa mga Pilipino na magkaroon ng akses sa impormasyon ang patuloy na paglago ng online video platforms katulad ng YouTube. Hindi gaya ng mga nasa diyaryo at iba pang tradisyunal na porma ng babasahín, nakakukuha ng impormasyon ang mga tao sa pamamagitan ng panonood at pakikinig sa mga videos o vlogs na mahahanap sa YouTube. Nagagawa rin nilang makipag-ugnayan sa kapwa manonood sa pamamagitan ng comments section at live chats. Dahil dito, mas naging kaakit-akit ang mga online videos sa maraming tao.
Ayon sa datos na inilabas ng YouTube noong 2021, mayroong 45 milyong adult viewers ang YouTube sa Pilipinas. Sa isang pag-aaral na ginawa ng Far Eastern University Public Policy Center, may tinatawag na “alternative videos” kung saan malayang nakagagawa ng mga content o videos ang mga ordinaryong tao. Hindi ito katulad ng malalaking media companies katulad ng Inquirer, Rappler, ABS-CBN, at GMA News na dumadaan sa masusing editing at proseso ng pagsisiyasat ng totoong impormasyon. Hindi nito kailangan ng mga resources at kapital upang kumalap at maglabas ng impormasyon. Anumang edukasyon at karanasan ang mayroon ang isang tao, pwede nang mag-vlog. Hindi na kailangan pang dumaan sa masusing proseso ang paggawa ng mga “alternative videos,” kaya naman dumami ang ganitong uri ng mapagkukunan ng impormasyon.
Sa pagsusuri sa mga alternative videos noong panahon ng eleksyon, nakitang sadyang ibinabaling ang diskusyon upang pumabor kay Bongbong Marcos. Nakatuon ang tema ng mga videos, una, sa “pagpapahiya” sa iba pang mga kandidato na pumupuna kay BBM; pangalawa, sa pagpapalaganap sa magagandang katangian niya at ng kanyang pamilya; at pangatlo, sa paggatong sa awayan sa pagitan ng iba pang mga kandidato.
Ayon sa National Union of Journalists of the Philippines (o NUJP), “democratizing access to government by way of vloggers is commendable in principle,” ngunit dapat daw itong tingnan sa kontekstong malaki ang posibilidad na ang mga vlogger na makikinabang sa akses na ito ay ang mga pro-Marcos, gaya ng nangyari noong kampanya. Kinikilala ng grupo na mabuti ang pagpapalawak ng akses sa impormasyon ngunit hindi raw dapat balewalain ang kahalagahan ng institutional media, na patuloy naisasantabi lalo na noong panahon ng kampanya dahil sa mabilis na pagkalat ng maling impormasyon online na naiuugnay sa mga vloggers.
Mga Kapanalig, at sa ating mga mamamahayag, tandaan natin ang mensahe ni Pope Francis sa isang papal audience noong 2019: “I urge you to work in accordance with the truth and justice so that communication may truly be a tool… for dialogue, not monologues; for guiding, not disorienting; for understanding, not misinterpreting; for walking in peace, not sowing hatred; for giving voice to the voiceless, not for giving a bullhorn to the one shouting the loudest.” Bilang tagapaghayag ng mga totoong pangyayari sa lipunan, hindi dapat kumikiling sa may pera at kapangyarihan ang mga mamamahayag. Hindi nila dapat pabayaang binabaluktot ang katotohanan. Gaya ng sabi sa Job 34:4, “alamin natin kung ano ang tama, pag-aralan natin kung ano ang mabuti.”