784 total views
Dismayado ang mga farmer’s group sa kapabayaan ng pamahalaan at Philippine Crop Insurance Corporation (PCIC) sa tugunan ang kalagayan ng mga magsasaka sa bansa.
Ito ang negatibong tugon ng Kilusang Magbubukid ng Pilipinas at Federation of Free Farmers sa pag-aaral ng World Bank na hindi sapat ang serbisyo at hindi nagagamit ng wasto ng pamahalaan ang pondo para sa kapakinabangan ng mga magsasaka.
Natuklasan din ng WB na napakabagal ng pamamahagi ng PCIC ng financial aid sa mga magsasakang apektado ng ibat-ibang uri ng kalamidad.
Ikinadismaya ni Danilo Ramos, chairperson ng Kilusang Magbubukid ng Pilipinas (KMP) ang mabagal na pamamahagi ng PCIC sa financial aid sa mga magsasaka at kulang na tulong mula sa pamahalaan.
“Palakasin ang local food production tungo sa food self-sufficiency, food sustainability at hindi importasyon. Try 15K-peso production subsidy per farmer at mangingisda (9.7 million) na gagamitin bilang pang-araro/paglinang ng rice field, pambili binhi at punla,” mungkahi mensahe ni Ramos.
Binatikos naman ni Raul Montemayor, national manager ng Federation of Free Farmers ang mungkahi ng Department of Finance (DOF) na bawasan ang financial aid para sa mga magsasaka at gawing pribado ang PCIC.
Iginiit ni Montemayor na mas nanaisin ng mga magsasaka na huwag maging miyembro ng PCIC kapag tuluyang ipinatupad ang mungkahi ng DOF.
Naniniwala si Montemayor na ang hakbang ay magdudulot ng kabawasan sa suplay ng pagkain bunsod ng kakulangan ng seguridad at tulong na aagapay upang makabangon ang mga magsasaka sa pagkaluging dulot ng kalamidad.
“Magmamahal ang crop insurance at baka hindi na magpa-insure ang mga magsasaka kung gagawing private sector ang crop insurance, siguradong lolobo rin ang premium na sisingilin nila dahil alam nila na napaka-risky ang agriculture at maniniguro sila para hindi sila malugi,” pahayag ni Montemayor sa Radio Veritas.
Unang nanawagan si San Jose Nueva Ecija Bishop Roberto Mallari sa mga nanalong opisyal noong National and Local election na huwag kalimutang bumaba at dinggin ang hinaing at pangangailangan ng mga manggagawa sa agrikultura.