189 total views
Nanawagan ng panalangin ang Diocese of Bangued Abra na nawa ay walang gaanong naging epekto sa buhay maging sa kabuhayan ang Bagyong Lawin sa Northern Luzon kung saan ito tumama.
Ayon kay Bangued Bishop Leopoldo Jaucian, sa kanyang monitoring hanggang kaninang umaga, malakas ang ulan at hangin sa Abra na signal number 3 ngayon.
Kaugnay nito, patuloy din ang monitoring ng ibat ibang ahensiya ng gobyerno sa danyos ng bagyong Lawin sa buhay at maging sa kabuhayan matapos itong tumama at naging signal number 5 sa Isabela at Cagayan kagabi.
“Ama naming makapangyarihan, Ikaw ang may likha ng langit at lupa lalong lalo na ngayon sa aming bansa lalo na sa Northern Luzon nahaharap sa hagupit ng Bagyong Lawin… sa pamamagitan ng Iyong kapangyarihan, iadya mo kami sa lahat ng kapahamakan lalo na sa tulong ng Mahal na Ina ng Our Lady of Piat ng Cagayan Valley, Nuestra Senora de la Caridad ng Ilocos Region, na sana po pamamagitan ng iyong awa ay lahat po kami sa ay nasa mabuting kalagayan, ito po ang aming hinihiling lalo na sa ngalan ng Panginoon naming Hesus,” ang panalangin ni Bishop Jaucian.
Una na ring nagpahayag ng kahandaan at pagtulong ang Simbahang Katolika sa pamamagitan na rin Caritas Manila at mga diocese na hindi naapektuhan ng bagyo sa mga nasalanta.
Si Lawin ang pang 12 bagyo na pumasok ngayong taon sa bansa na isa sa pinakamalakas na naihalintulad sa Typhoon Yolanda na tumama Nobyembre ng 2013 kung saan lumikha ng malaking daluyong, umahon ang tubig sa maraming lugar sa Visayas kayat libo-libo ang nasawi at 16 na milyong indibidwal ang naapektuhan na naging dahilan ng pagbisita ni Pope Francis sa bansa upang damayan at iparamdam ang awa at habag ng Panginoon sa mga biktima.