2,330 total views
Malaking bagay na napalilibutan ng kabundukan ng Sierra Madre ang Luzon dahil ito ang nagsisilbing pananggalang nito mula sa mga bagyo.
Ayon kay Fr. Pete Montallana, chairperson ng Save Sierra Madre Network Alliance, malaking bagay ang Sierra Madre dahil sa oras na magland fall ang mga bagyo sa Luzon agad itong humihina dahil nababasag ng bundok ang sama ng panahon at hindi na ito nakapagdudulot ng labis na pinsala sa pamayanan.
Gayunman, ayon sa pari, nakapanghihinayang na sa kabila ng malaking tulong na nabibigay ng Sierra Madre ay sinisira pa rin ito ng mga tao.
“Mas malaki pa ang magagawa ng Sierra Madre kung ang kanyang kakahuyan, sya’ay buo pa, mas malaki syang proteksyon sa mga tao dito sa buong Luzon. Kasi protection natin ang Sierra Madre, pero ngayon hindi naman natin pinoprotektahan tuloy tuloy ang pagsira ng Sierra Madre hanggang ngayon. Kaya sana magka-isa tayo at protektahan ang Sierra Madre,” pahayag ni Fr. Montallana sa panayam ng Radyo Veritas.
Kaugnay dito, kinumpirma ng PAGASA Weather Bureau na nakatulong ang kabundukan ng Sierra Madre sa bahagi ng Cordillera sa mabilis na paghina ng bagyong Lawin.
Ayon kay Weather Forecaster Robert Badrina, kung ikukumpara sa Typhoon Yolanda, ay mas malawak ang sakop ng Typhoon Lawin subalit mas mabilis naman itong humina matapos itong tumama sa Sierra Madre.
“Kung ikukumpara rin natin itong typhoon Yolanda sa naging takbo nito dahil nga tumama na sa kabundukan ng Cordillera ang bagyong Lawin ay mas mabilis ang naging paghina nito,” pahayag ni Badrina sa panayam ng Radyo Veritas.
Ngayong gabi inaasahang lalabas na ng Philippine Area of Responsibility ang bagyong Lawin.
Tinatayang umabot sa 13,428 pamilya o halos 61,126 katao ang naapektuhan mula sa 118 barangay ng Regions I,II,III,V at CAR.
Dagdag pa rito umaabot na sa mahigit 3,900 na pamilya o mahigit 15, 000 katao ang na displaced at 3, 825 pamilya o 14, 895 katao ang nanatili sa 136 na evacuation center kung saan 4 naman ang napaulat na casualties.