826 total views
Iginiit ni Cagayan de Oro Archbishop Jose Cabantan na maliit na epekto lamang ang maibabahagi ng industriya ng pagmimina sa ekonomiya ng bansa.
Ito ang pahayag ng Arsobispo bilang pakikiisa sa panawagan ng Diyosesis ng Marbel at mamamayan ng lalawigan ng South Cotabato sa kinakaharap na problema sa pagmimina.
Ayon kay Archbishop Cabantan, ang muling pagpapahintulot sa operasyon ng pagmimina ay hindi makakatulong sa pagbangon ng bansa mula sa mga krisis kundi magpapahirap pa sa kalagayan ng mamamayan at ng kalikasan.
“It means more hardships among the people than the economic benefits gain for a while, not only in the near vicinity but also in other areas that will be affected,” ayon kay Archbishop Cabantan sa panayam ng Radio Veritas.
Iginiit ng Arsobispo na matinding panganib rin ang inaasahan sakaling matuloy ang pagmimina sa South Cotabato lalo na sa bayan ng Tampakan.
Ang mismong lugar na binabalak buksan para sa operasyon ng pagmimina ay malapit sa Mount Matutum na isang aktibong bulkan.
“Based on the presentation that the Diocese of Marbel presented backed by scientific data, in the long run it causes much destruction to the environment especially that it’s located where there are faultlines since it’s near the volcano,” saad ni Archbishop Cabantan.
Hinihiling naman ng Arsobispo na nawa’y magbunga ang pagpapawalang-bisa ni South Cotabato Governor Reynaldo Tamayo, Jr. sa pag-amyenda ng provincial environment code.
Dalangin ng Arsobispo ang pagsuporta ng iba pang opisyal ng Sangguniang Panlalawigan upang mapanatiling ligtas ang kapaligiran at mamamayan ng South Cotabato sa panganib ng mapaminsalang pag-unlad.
“We hope and pray that the new Sangguniang Panlalawigan officials will support Governor Tamayo in vetoing the lifting of the ban,” dagdag ng Arsobispo.
Hunyo 3, 2022 nang pagtibayin ni Gov. Tamayo ang pagsasawalang-bisa sa ordinansa hinggil sa pag-amyenda sa Provincial Environment Code ng South Cotabato, at pagpapanatili sa pagbabawal sa open-pit mining sa lalawigan.
Ito ang nagbigay muli ng pag-asa sa mga mamamayan lalo na sa mga katutubo ng lalawigan tungo sa kaligtasan ng mga likas na yaman at mga katutubong lupain.