518 total views
Malawak pa ang pangangailangan ng bansa para sa kalayaan sa iba’t ibang larangan.
Ito ang ibinahagi ni Sangguniang Laiko ng Pilipinas President Raymond Daniel Cruz, Jr. kaugnay sa paggunita ng bansa sa 124th Independence Day o Araw ng Kalayaan sa ika-12 ng Hunyo, 2022.
Ayon kay Cruz, higit na makabuluhan ang paggunita ng Araw ng Kalayaan ngayong taon kung saan hinahangad ng bawat isa ang kalayaan sa COVID 19 pandemic, kalayaan sa kasinungalingan, siraan, pagkakawatak-watak at kahirapang pampisikal at pang-espiritwal.
“Napaka-makabuluhan ng darating na Araw ng Kalayaan. Ito ay dahil napakahigpit ng pangangailangan natin ng kalayaan sa maraming bagay. Kalayaan sa COVID, sa pagkakawatak-watak, sa kasinungalingan at siraan, at sa kahirapan na pisikal at maging espiritual.” Pahayag Cruz sa Radio Veritas
Aminado si Cruz na hindi biglaang matatamo ang kalayaan mula sa mga sitwasyong ito ay mahalaga naman ang sama-samang pagsusumikap ng bawat isa na makamit ito.
Iginiit ni Cruz na makakamit ang ganap na kalayaan sa pagtulong sa kapwang nangangailangan at maysakit, i-alay ang sarili para sa katotohanan at kagandahang asal, pagpapa-unlad ng moralidad at pagkakabuklod-buklod.
“Sana ay maging masidhi ang pagnanasa ng ating mga kababayan, lalo na ang mga kabataan, na ipaglaban ang mga kalayaang ito. Bagamat hindi biglaan na matatamo ang mga ito, ang bawat isa ay dapat lamang mag-ambag, araw-araw ng maliliit na alay. Alay para makatulong sa may sakit, alay para sa pagkakabuklod-buklod, alay para sa katotohanan at kagandahang asal, alay para mapaunlad ang ating kamalayan at moralidad.” Dagdag pa ni Cruz.
Binigyang diin naman ni Cruz ang kahalagahan ng patuloy na pananalangin para sa kapakanan at patuloy na kalayaan ng bayan mula sa anumang uri ng paniniil o panlulupig sa bansa.
“Itaas natin ang ating watawat na may bulong at panalangin: “Lupang hinirang, duyan ka ng magiting.” Sa kahit anong pagsubok: “di ka pasisiil! Panginoon, ina-alay namin ang lupang hinirang mo upang maging duyan at bayan ng mga magiting. Bigyan mo kami ng tibay upang patuloy na ipaglaban ang aming kalayaan at kailanman ay di mag-pasiil sa ano mang uri ng panlulupig, Amen!”
Binigyan diin naman ni Caceres Archbishop Rolando Tria Tirona na ang totoong kalayaan ay nakaugat sa katotohanan at maayos na kalusugan.
Read: Totoong kalayaan, nakaugat sa katotohanan at maayos na kalusugan — Archbishop Tirona
Tema ng 124th Independence Day o Araw ng Kalayaan ngayong taon ang “Kalayaan 2022: Pagsuong sa Hamon ng Panibagong Bukas (Rise Towards the Challenge of a New Beginning)”.