464 total views
Magkakaloob ang Catholic Bishops Conference of the Philippines-Episcopal Commission on Prison Pastoral Care (CBCP-ECPPC) ng serye ng online Volunteer Capability Building Seminar on the Prison Ministry ngayong Hunyo at Hulyo.
Ayon sa prison ministry, layunin ng online seminar na pukawin ang damdamin at kamalayan ng mga volunteer ang kalagayan ng mga bilango sa ating bansa.
Ang unang tatlong serye ng online-seminar ay gaganapin sa June 11, June 18, at June 25 sa prison service volunteers mula sa Luzon at National Capital Region.
Itinakda naman sa July 9, July 16 at July 23 sa mga volunteer mula sa Visayas, Mindanao at mga katuwang na organisasyon mula alas-8:30 ng umaga hanggang ika-12 ng tanghali.
“This seminar is for new and existing VIPS (Volunteers In Prison Services) only,” ang bahagi ng paanyaya ng kumisyon.
Inaasahang ang pakikipanayam ni Legazpi Bishop Joel Baylon, chairman ng Prison ministry ng CBCP ang pagbabahagi at pagninilay para sa pakikipag-ugnayan sa mga bilanggo at pagbibigay ng pag-asa tungo sa pagbabalik-loob at makapagbagong buhay.
Kabilang sa mga magsisilbing tagapagsalita sa seminar sina Fr. Nezelle Lirio – executive secretary ng komisyon; Consultant Bro. Rodolfo Diamante, na dati ring nagsilbi bilang executive secretary ng kumisyon; Bro. Gerard Ian; Atty. Rommel Alim Abitria-executive director ng Humanitarian Legal Assistance Foundation, Inc-HLAF; at Bro. Michael Bartolome-pastoral program officer ng CBCP-ECPPC.