241 total views
Alam mo ba kapanalig, na sa buong Asya at Pasipiko, tinatayang mga 800 milyong tao ang nakatira sa mga slums at informal settlements – ang mga tinatawag natin na squatters’ areas. Maliit man ang tingin natin sa mga lugar na ito, ang mga mamamayan dito ang pangunahing work force ng ating bayan.
Kahit pa gaano kalaki ang ambag nila, sa ating bansa, nadidiscriminate lagi ang mga informal settlers – sa katunayan, hindi ba’t derogatory o nakapan-liliit ang mga bansag ng lipunan sa kanila: skwater, jologs, tambay, at iba pa. Ang mga informal settlements, kapanalig, ay sumisimbolo ng lawak ng pagitan ng mahirap at mayaman sa ating bansa.
Kapanalig, ang mga slum settlements, tahanan ng marami nating kababayan, ay maraming bantang kinahaharap. Unang-una, kapanalig, banta sa kanila ang climate change. Nagtataasang baha, nakakapasong init, at naglalakasang hangin ang sumasalubong sa marami nating mga kababayan sa mga slum settlements. Dahil marupok ang kanilang tahanan, konting lakas ng hangin, konting lakas ng ulan, sira na agad ang bahay nila.
Pangalawa kapanalig, kahit may bagyo o wala, delikado naman sila sa mga iba-ibang klaseng sakit. Problema kasi ang sanitasyon sa ganitong mga lugar dahil salat sa tubig at kadalasang madumi ang kapaligiran. Mabilis pa magka-hawaan sa mga slums dahil sa dikit dikit nilang mga bahay.
Nais man ng mga nakatira sa mga informal settlements na lumipat sa maayos na tirahan, hirap silang gawin ito. Ang affordability ng mga pabahay ang pangunahing balakid nila. Hindi kaya ng minimum wage earner ang makakuha ng pabahay ng mabilisan. Malupit na pagtitipid ang kailangan nilang gawin sa loob ng mahabang panahon upang magkaroon lamang sila ng tahanang matatawag na pag-aari nila.
Kahit maging mas mura ang pabahay, marami pa rin ang hindi maabot ang pangarap na ito. Dahil nasa impormal na sektor sila, karaniwan, impormal din ang trabaho nila. Wala silang papeles, wala silang kontrata, hindi rin pareho araw-araw ang sweldo nila. Dahil dito, walang financial institution ang kikilala sa kanilang housing loan application.
Kapanalig, kailangan natin mabago ang housing landscape sa ating bayan at gawing accessible naman ito sa mga mahihirap nating kababayan. Hangga’t hindi tayo kumikilos para dito, at habang inaalipusta ng lipunan ang kanilang pagiging slum dweller, ating nilalapastangan ang kanilang karapatan, ang kanilang dignidad. Ayon nga sa Gaudium et Spes: All offenses against human dignity, such as subhuman living conditions…all these and the like are criminal: they poison civilization; and they debase the perpetrators more than the victims and militate against the honor of the Creator.
Sumainyo ang Katotohanan.