655 total views
Mahalagang bigyang tuon ng simbahan at pamahalaan ang kalusugan ng mamamayan hindi lamang dulot ng Covid-19 pandemic kundi maging ang kaakibat ng sakit sa mental health.
Ayon kay Camilian Fr. Dan Cancino, executive-secretary ng Catholic Bishops’ Conference of the Philippines-Health Care Ministry, isinusulong ng simbahan ang community-based mental health program.
Layunin ng programa ayon sa pari na pagtuunan ang kalagayan ng mga tao lalo’t higit ang mga nakakaranas ng pagkalumbay at pagkabalisa dulot ng iba’t ibang krisis sa lipunan.
“Ang CBCP-Episcopal Commission on Health po ay isa ito sa priority project niya at program para magpalaganap ng community-based mental health program in partnership with other institutions like the Philippine Mental Health Association at may mga iba’t ibang mga diyosesis, mga parokya na talaga namang may mga wellness program na sila,” pahayag ni Fr. Cancino sa panayam ng Radio Veritas.
Ibinahagi rin ni Fr. Cancino ang libreng serbisyo ng St. Camillus Center for Listening upang kalingain ang mga nakakaranas ng mental health issues sa pamamagitan ng pagtawag sa telepono, online, at face-to-face counseling.
Hinimok naman ng pari ang mga humaharap sa mga pagsubok na huwag mangamba dahil marami ang nakahandang tumulong upang muling makamtan ang liwanag at kagaanan ng buhay.
“Isa lang ang talagang susi. Maging bukas, huwag kayong matakot at umabot; at sabihing kailangan ko ng tulong,” ayon kay Fr. Cancino.
Batay sa National Center for Mental Health, umaabot sa halos 2,000 ang natanggap na suicide-related calls ng institusyon noong 2021.
Habang ayon naman sa Philippine Statistics Authority na noong 2020, hindi bababa sa higit 4,000 katao sa bansa ang namatay dahil sa pagpapatiwakal.
Sa mga nais sumailalim sa counseling, bisitahin lamang ang facebook page ng St. Camillus Center for Humanization in Health o tawagan ang mga numerong 0917-554-7836 o 0917-5 LISTEN o sa landline 8-426-1966.