254 total views
Holy Trinity Sunday
Prov 8:22-31 Rom 5:1-5 Jn 16:12-15
Ngayong araw ay ang ating Independence Day. Mahalaga na ipaalaala sa atin ang ating Independence, ang ating Kasarinlan taon-taon upang mapahalagahan natin ang Kalayaan na ipinaglaban ng ating mga ninuno. Magpasalamat tayo sa kanila lalo na sa mga nagbuhos ng buhay upang tayo ay maging malaya. Ingatan din natin ang kalayaang ito upang hindi ito mawala sa atin. Ipinaglaban natin ito laban sa mga Kastila, laban sa mga Amerikano, at laban sa mga Japones. Ipaglaban din natin ito laban sa kapwa Pilipino na magsasamantala sa atin. Nangyari ito noong Martial Law na ang nang-api sa atin ay kapwa Pilipino at mga military at police na mga Pilipino. Huwag po tayo magpaapi muli. Huwag natin i-surrender ang Kalayaan natin na mag-isip, na magsalita, na maniwala at ng sama-samang pagkilos para sa kabutihan ng lahat. Ipasalamat, ipagdasal at panindigan natin ang ating kasarinlan.
Sa simbahan mayroon din tayong ipinagdiriwang ngayong araw. Ito ay ang Trinity Sunday. Pinapaalaala sa atin sa kapistahang ito kung sino ang Diyos natin. Ang Diyos natin ay iisa. Siya ay pagkaka-isa ng Ama, Anak at Espiritu Santo. Ang iisang Diyos natin na Ama, Anak at Espiritu Santo ay pinapahayag natin sa bawat pagkakataon na nag-aantanda tayo ng Krus. Binabanggit ng ating labi: “Sa ngalan ng Ama, at ng Anak at ng Espiritu Santo.” Ang lahat ay ginagawa natin sa ngalan ng ating Diyos kaya sa bawat pagkilos natin nag-aantanda tayo ng Krus. At ang pagkilos ng Diyos ay lalo nating natatanggap sa pagkamatay ni Jesus sa Krus para sa atin. Kaya kinukrusan natin ang ating sarili. Inalay ng Ama ang kanyang anak na nag-alay ng kanyang sarili sa Krus at napapabanal tayo nito sa kapangyarihan ng Espiritu Santo.
Hindi po natin malalaman na ang iisang Diyos ay Ama, Anak at Espiritu Santo kung hindi po ito ipinahayag ni Jesukristo, ang Diyos anak na naging tao. Siya ang nagsabi nito sa atin kaya naniniwala tayo sa Diyos na Isa’tlo o Diyos na IsangTatlo. Sa ating ebanghelyo ngayon sinabi ni Jesus na marami pa siyang ibig sabihin sa atin pero hindi natin kayang maintindihan ang lahat. Kaya nagpapadala siya ng isa pang katulong na gagabay sa atin tungo sa buong katotohanan. Siya ang Espirtu ng Katotohanan. Ang kanyang sasabihin ay hindi naman kakaiba sa mensahe ni Jesus, at ang mensahe ni Jesus ay hindi naman kakaiba sa mensahe ng Ama. Ang lahat lang na nanggaling sa Ama ang sinabi ni Jesus at siya naman ang sasabihin at palalalimin ng Espiritu Santo. Kaya nandiyan na ang pahayag ni Jesus sa Isa’tlo o sa Trinity sa mga pangungusap na ito ni Jesus.
Ang pagpapakilala ni Jesus na ang Diyos ay Isa’tlo ay pinaniniwalaan naman ng mga apostol at ito rin ang tinuturo nila. Sa ating ikalawang pagbasa sinulat ni San Pablo sa mga taga-Roma na nagkakaroon tayo ng kapayapaan sa Diyos Ama sa pamamagitan ni Jesukristo dahil sa ating pananampalataya na nagbibigay sa atin ng pag-asa kahit na dumadaan tayo sa kahirapan at mga pagsubok. Ang pag-asang ito ay galing sa pag-ibig ng Diyos na ibinuhos sa ating mga puso ng Espiritu Santo. Kaya kumikilos ang Isa’tlo sa atin para sa ating kaligtasan. Ito ay galing sa Diyos Ama, sa pamamagitan ni Jesukristo, ang Diyos Anak, sa kapangyarihan ng Espiritu Santo na binibigay sa atin.
Ang Ama, Anak at Espiritu Santo ay magkakaiba. Hindi sila magkapareho. Pero sila ay nagkakaisa sa kanilang pagkilos kasi binubuklod sila ng pag-ibig. Sa kanilang pagkakaibigan sila nagkakaisa kaya nga isa na lang sila sa kanilang pagka-Diyos. Noong tayo ay bininyagan tayo ay naging anak ng Diyos. Ibinahagi ng Diyos Anak ang kaniyang pagiging Anak kaya ibinigay niya sa atin ang kanyang Espiritu, ang Espiritu Santo. Dahil sa kanyang kapangyarihan matatawag na natin ang Diyos na “Tatay, Ama ko.” Kaya nagiging kasama tayo sa pagmamahal ng Diyos Ama, Diyos Anak at Diyos Espiritu Santo. We become part of the dynamics of love of the Holy Trinity. What a wonderful thought. We take part, already now, in the eternal loving of the Trinity.
Ang hamon nito sa atin ay magkaisa din tayo tulad ng ating Diyos. Kahit magkaiba tayo – matanda at bata, lalaki at babae, mayaman at mahirap, iba’t-iba ang ating ugali at pananaw, kay BBM mano kay Lenie – pero tayo ay nagkakaisa kung tayo ay pinagsasama ng pag-ibig. Ang pairalin natin ay hindi ang ating pagkakaiba, kundi ang ating pag-iibigan. Malalampasan ng ating pag-ibig na walang iba kundi ang pag-ibig ng Diyos, kahit anuman ang ating pagkakaiba.
Pero ang pagkakaisa sa pag-ibig ay hindi nagbabalewala sa ating pagkakaiba. Hindi nawala ang ating individualities. Nandiyan pa rin ang pagkakaiba natin at ang mga ito ay hindi naghihiwalay sa atin bagkus nagpapatingkad pa sa ating pagkakaisa.
Sa Holy Trinity naglalaro ang pagkakaisa at pagkakaiba dahil sa pag-ibig. Ganyan din dapat tayo. Kaya sa simbahan sa Pilipinas ang Holy Trinity Sunday ay siya ring BEC Sunday, Sunday of the Basic Ecclesial Community. Upang maging tunay tayong simbahan at upang maranasan natin ang ating pagkakaisa sa simbahan kailangan na maging BEC tayo. Hindi tayo iniligtas ng Diyos nang isa-isa. Nililigtas tayo bilang kasama ng isang communidad.
Nagsasama-sama tayo. Paano tayo magmamahal kung nag-iisa tayo? Lumalago ang ating pagmamahalan sa ating pagkakaisa at sa ating pagsasama sa iba. Ang BEC ay samahan ng mga Kristiyano na magkapit-bahay. Doon natin naisasabuhay ang love of neighbor. Ang modelo at inspirasyon ng ating pamilya at ng ating BEC ay ang Diyos mismo – ang Isa’tlo. Kaya ang Diyos na Isangtatlo ay hindi lang isang palaisipan. Ito ay isang hamon at isang karanasan. Danasin natin ang Isa’tlo. Pumasok tayo sa pag-iibigan ng ating Diyos at isabuhay natin ito sa simbahan, sa ating BEC at sa ating pamilya.
Nag-gets ba natin ito? Hindi. Totoo, malalim ito. Pero pinangako naman ni Jesus ang kanyang Espiritu na gagabay sa atin sa buong katotohanan. Buksan natin ang ating sarili sa gabay ng Holy Spirit upang lalo nating maisabuhay ang Diyos na Isa’tlo!