486 total views
Ibinahagi ng kinatawan ng Vatican sa Pilipinas na handang makipagtulungan si President-elect Ferdinand Marcos Jr. sa simbahan.
Sa panayam ng Radio Veritas kay Papal Nuncio to the Philippines Archbishop Charles John Brown, sinabi nitong positibo ang kanilang pag-uusap para sa mas matibay na relasyon ng pamahalaan at simbahan.
“We had a very productive, encouraging and positive discussion and the president-elect assured me of his desire to collaborate, cooperate closely with the church and Holy See,” pahayag ni Archbishop Brown sa Radio Veritas.
Ayon sa arsobispo, bilang kinatawan ng Santo Papa sa bansa ay kasama ito sa mga nag-courtesy call sa bagong halal na pangulo ng bansa.
Bumisita ang Papal Nuncio kay President-elect Marcos Jr. nitong June 10 kasama ang lima pang kinatawan mula sa iba pang mga bansa.
Una nang tiniyak ng simbahang katolika ang patuloy na pakikipag-ugnayan sa pamahalaan para sa ikabubuti ng bawat mamamayan.
Ayon kay Caritas Philippines National director, Kidapawan Bishop Jose Colin Bagaforo makipagtulungan ito sa bagong administrasyon para sa programang tutugon sa karapatan at dignidad ng mamamayan, pagsusulong ng katotohanan at matapat na pamamahala.
Dalangin ng simbahan sa administrasyon ni President-elect Marcos Jr. ang tunay na paglilingkod batay sa katarungan, at pagtataguyod sa dignidad ng mamamayan.