206 total views
Mga Kapanalig, sa ilalim ng ating batas lahat ng mga tumakbo sa isang eleksyon, nanalo man o hindi, ay obligadong magsumite ng Statement of Contributions and Expenditures (o SOCE). Inilalahad ng SOCE kung magkano ang mga natanggap nilang mga donasyon at ang ginastos sa kanilang kampanya. May takdang halaga ang maaari lamang gastusin ng mga kandidato para sa lokal sa posisyon at mas mataas na halaga para naman sa mga pambansang posisyon. Ang layunin ng batas na nagtatakda ng limitasyon sa maaaring gastusin ay upang hindi gaanong mapaboran ang mga mas mayayamang kandidato sa pagpapalabas ng mga patalastas at iba pang mga gamit-pangkampanyang magbibigay sa kanila ng bentahe sa ibang kandidato.
Ngunit gaano nga ba ka-epektibo ang regulasyong ito?
Bagamat karamihan sa mga kandidatong tumakbo sa pambansa at lokal na mga posisyon ay nakapagsumite naman ng kanilang SOCE sa takdang panahon, itinatanong pa rin ng marami kung ang mga impormasyong nakasaad sa SOCE nila ay makatotohanan at tunay na sumasalamin sa aktwal na halagang ginugol nila sa kanilang kampanya.
Ikalawa, talaga bang binubusisi ng COMELEC at may sapat na kakayahan at tauhan ba ito upang berepikahin ang mga impormasyong nakasaad sa mga SOCE ng mga kandidato?
Ikatlo, dahil sa paglaganap ng iba’t ibang paraan ng pagpapakalat ng impormasyon sa social media, hindi kaya mas marami nang paraan ngayon ng pangangampanya na hindi limitado sa mga binabayarang patalastas o campaign posters? Sa katunayan, laganap ang pananaw na higit na nakakaimpluwensiya sa pananaw ng mga tao ang mga nasasagap nila mula sa social media na hindi naman lahat ay binabayaran o kaya ay madaling itago ang halaga kung binabayaran man.
Sa panahon ngayon, hindi na lamang ang dami ng impormasyon ang nakapagbibigay ng bentahe sa mga kandidatong may pera. Ang kalidad at pagiging totoo ng impormasyon ang higit na mahalaga. Dahil dito, hindi na sumasapat ang batas na nag-oobliga sa mga kandidatong magsumite ng SOCE. Kailangan ding magkaroon ng batas at regulasyon upang pigilan ang pagkalat ng mga maling impormasyon.
Ang resulta ng nakaraang eleksyon ay nagpakita na lalong dumami ang mga nahalal na mga kandidatong kabilang sa mga tinatawag nating political dynasties. Ang layunin ng isang batas gaya ng pagsusumite ng SOCE ay upang mapigilan na ang mga may pera at nasa poder ang laging nananalo sa mga eleksyon. Maliwanag na ang batas na ito ay hindi epektibo, lalo na ngayong maraming paraan upang itago ang paggamit ng pera upang makaimpluwensiya ng boto.
Maliban sa mga batas, higit na kailangan nating isapuso at ipaalala sa isa’t isa ang tunay na layunin ng pulitika. Ang ating Santo Papa ay may mataas ang pagtingin sa pulitika bilang paraan ng pagsasabuhay at pagpapamalas ng pag-ibig sa kapwa. Aniya, sa pakikilahok sa pulitika, naisasabuhay natin ang pag-ibig sa antas ng lipunan sapagkat ang inaasam ng pulitika ay ang kabutihang panlahat. Kapag ang pag-ibig ay hindi para sa lahat, sabi ng Santo Papa, nabibigo ang pulitika sa layunin nito. Kung ang isang kandidato ay hindi nagsasabi ng katotohanan tungkol sa tunay na halaga ng kanyang ginastos sa pangangampanya o kaya ay nagpapakalat ng mga maling impormasyon tungkol sa kanyang sarili, paano siya maaasahang magsulong ng kabutihang panlahat?
Mga Kapanalig, gamitin nating imahe ang mababasa natin sa Lucas 10:25-37. Ang kabutihang-loob na ipinamalas ng Samaritano sa taong ninakawan at binugbog ng mga magnanakaw at iniwang halos mamatay sa daan ay kabutihang mararamdaman ng lahat kung ang mga ahensiya ng gobyerno ay tumatakbo nang maayos at ginagawa ang kanilang tungkulin. Magiging ganito sila kung ang mga pulitikong naihahalal natin ay tapat, nagsasabi ng katotohanan, at tunay na nakatuon sa kabutihang panlahat.