156 total views
Hindi ganap na naniniwala si Veritas 846 Senior Political Advisor Professor Ramon Casiple – Executive Director ng Institute for Political and Electoral Reform sa naging pahayag ni Pangulong Rodrigo Duterte na pagputol sa relasyon ng Pilipinas sa Estados Unidos.
Ipinaliwanag ni Casiple na batay sa naging pahayag at pagbibigay ng halimbawa ng Pangulo sa pagkuha ng mga Filipino ng Visa patungong US at malayang pagpunta ng mga Amerikano sa Pilipinas, ay nais lamang nitong limitahan ang espesyal na pagtrato ng mga Filipino sa mga banyaga partikular na sa mga Amerikano.
“Mapuputol lamang yung special relation, mayroon siyang ginamit na example yung Visa, sabi niya pagpumunta ka sa America pahirapan, kapag ang Kano pumunta sa Pilipinas walang Visa ibig sabihin ang interpretasyon ko dun sa sinasabi niyang cutting off economic, military ties – yung present ties na pwede nating i-categorized as special relation, pinapaboran natin yung Kano sa maraming bagay..”pahayag ni Casiple sa Radio Veritas.
Sa kanyang state visit sa China, pormal na idineklara ni Pangulong Duterte ang pagputol sa relasyon ng Pilipinas sa Estados Unidos sa larangan ng ekonomiya at military agreements.
Sa kasalukuyan batay sa datos ng Department of Trade and Industry, tinatayang nasa 13.5-bilyong dolyar ang halaga ng kasunduang nakatakdang lagdaan ni Pangulong Duterte sa China habang 4.7-bilyong dolyar lamang ang US direct investments sa Pilipinas.
Bukod dito, tinatayang aabot sa 1.8-milyon ang bilang ng mga Filipino Immigrants sa Estados Unidos na sinasabing pang-apat sa may pinakamalaking bilang ng Immigrant population sa United States noong 2013.
Sa kabila nito, naninindigan naman ang Simbahan na kinakailangang maging prayoridad ng mga opisyal ng bayan ang kapakanan ng bawat mamamayan sa lahat ng mga desisyon at aksyong gagawin nito sa pamamahala sa bansa.