243 total views
Nanawagan ng tulong mula sa kinauukulan ang Prelatura ng Isabela de Basilan kaugnay ng malaking suliranin ngayon doon ng mga magsasaka sa “cocolisap”.
Ayon kay Bishop Martin Jumoad, papaalis na obispo ng Prelatura, labis ng naaapektuhan ng peste ang hanapbuhay ng mga mag niniyog dahil buong lalawigan ng Basilan ang apektado na rin ng “cocolisap” .
Pahayag ng obispo, apat na taon na ang nakalilipas nang humingi siya ng tulong sa nagdaang administrasyong Aquino na aksiyunan ang suliranin ng lalawigan hinggil sa peste subalit binalewala ito.
“Bigyan natin ng pansin ang mga magsasaka dito sa Basilan, partikular ang mga may coconut trees kinakain ng ‘cocolisap’ ang mga coconut, 4 years ago nagsabi na ako government officials give attention to Basilan because of ‘cocolisap’ cocosipal pero during the time of P-Noy hindi binigyang pansin ang Basilan, sana po ang mga farmers ngayon dito matulungan, kawawa sila, infested with cocolisap na ang the whole province of Basilan.” Pahayag ni Bishop Jumoad sa panayam ng Radyo Veritas.
Kaugnay nito, napaulat na may 300,000 puno ng niyog ang nakatakdang putulin na sa lalawigan dahil sa cocolisap.
Ayon kay Basilan governor Jim Saliman, kinakailangan na suriing mabuti ng Philippine Coconut Authority (PCA) ang mga punong labis ng sinira ng peste na kailangan ng putulin upang makontrol ang cocolisap infestation.
Sinasabing tatlong lugar sa Basilan ang labis na apektado ng peste kabilang ang Isabela City, Lamitan at Lantawan.