242 total views
Nakahanda na ang mahigit P2milyon na pondo ng Simbahang katolika para agad na itulong sa mga naapektuhan ng Bagyong Lawin.
Ayon sa NASSA/Caritas Philippines, ang nasabing pondo ay mula sa Alay Kapwa Program na siyang kinokolekta tuwing panahon ng Kuwaresma at inilalaan para sa mga magaganap na kalamidad tulad ng Bagyo.
Sa kasalukuyan, patuloy ang assessment ng iba’t-ibang diyosesis upang malaman ang tulong na kailangan ng mga apektadong residente lalo na ang mga mahihirap at walang kakayahang bumangon mula sa matinding pinsala ng bagyo.
Katuwang ng Caritas Philippines maging ang mga institusyon ng Simbahang Katolika mula sa ibang bansa gaya ng Caritas Spain at Caritas Luxembourg na nagpahayag na ng intensyon na tumulong sa mga naapektuhan ng nasabing bagyo.
Kasalukuyan na rin nasa Isabela ang grupo ng Catholic Relief Services o Caritas USA para magsagawa ng rapid assessment at alamin ang tulong na kakailanganin ng mga apektadong diyosesis.
Una na rin inihayag ng Caritas Manila at Minor Basilica of the Black Nazarene o Quiapo Church na tutugon sila sa pangangailangan ng mga apektadong lalawigan.
Matatandaang tuwing panahon ng Kuwaresma ay hinihimok ng Simbahang Katolika sa Pilipinas ang mga mananampalataya na magbahagi ng anumang halaga sa programa ng Alay Kapwa na inilulunsad sa lahat ng mga Diyosesis sa buong bansa.
Dahil dito, ang Simbahan at mga insititusyon nito ay laging handa tumulong at ipinapakita ang misyo nito ng pagmamalasakit sa kapwa lalo na sa mga nangangailangan.
Tinatayang aabot sa mahigit 24,000 pamilya o mahigit 104,000 na indibidwal ang naapektuhan ng bagyong lawin sa 6 na rehiyon sa bansa