5,085 total views
Ang mga lokal na negosyo ang isa sa mga pangunahing grupo na ginupo ng COVID-19 sa ating bansa. Halimbawa na lang sa manufacturing and services sector, kung saan napakaraming mga negosyo at pagawaan ang nagsara noong kasagsagan ng mga lockdowns. Ng matapos naman ang mga lockdowns, kailangang kumayod ng marami para maibangon ang sariling mga pamilya, ang kanilang mga negosyo, at para na rin maibangon ang industriya.
Kapanalig, kung titingnan ang mga datos at projections ng mga eksperto, maganda ang outlook recovery ng ating bansa. Inaasahan ngang lalago pa ng mahigit sa 6% ngayong 2022 ang ating ekonomiya. Kaya lamang, bago pa man natin maabot ito, marami-rami pa ang ating kailangan pagdaanan, lalo’t pa’t ang daming mga hamon sa loob at labas ng bansa ang nakakaapekto sa ating paglago.
Isa na rito ang giyera sa Ukraine, na nagtutulak ng pagtaas sa pandaigdigang presyo ng langis. At sa pagtaas ng langis, sunod sunod ng tumaas ang presyo ng mga bilihin sa bayan, habang status quo naman ang kita ng karamihan sa atin. Sumasabay din ang pagbaba ng halaga ng piso sa pagtaas naman ng presyo ng langis, na binibili natin gamit ang dolyar.
Dahil nga sa mga salik na ito, maraming mga negosyo, nasasakal ngayon, at mas nahihirapang bumangon mula sa pandemya. Ano ba ang magagawa natin upang mas matulungan natin makabangon ang mga lokal na negosyo? Isa sa mga kongkreto natin maaaring gawin upang pasiglahin ang mga lokal na negosyo ay ang pagtangkilik sa mga produktong gawa ng ating kapwa Filipino. Buy Lokal, mga kapanalig.
Kapag tayo ang pangunahing patron ng mga lokal na negosyo, masusuportahan natin ang mga domestically-produced manufactured goods, at mapapa-ikot natin ang pera sa loob ng ating mga komunidad, sa loob ng ating bayan. Kapag ating tinatangkilik ang sariling atin, mapapasigla natin ang mga lokal na negosyo, na makakapagbigay ng mas maraming trabaho sa ating mga kababayan, na tutulong hindi lamang sa kanilang mga pamilya, kundi pati na rin sa ating ekonomiya.
Ang pagtangkilik ng sariling atin ay isang uri ng proteksyon na ating maibibigay sa ating bansa. Hindi lamang sa usaping pera ito, kapanalig. Usaping kultura din ito. Usaping common good din ito. Ang mabilis na modernisasyon at at daloy ng impormasyon sa ating mundo ngayon ay maaaring lumusaw ng ating kultura. Sa pagtangkilik natin sa mga produktong gawa ng ating kababayan, ating napapag-patuloy ang kanilang pag-iral sa ating lipunan.
Si Pope Francis, sa kanyang pagpupulong sa mga Italian entrepreneurs noong nakaraang Marso ay nagsabi na hirap ang mga maliliit na entrepreneurs kaharapin ang mga “giant Goliath” sa merkado. Sinabi rin niya na mahirap para sa maliliit na negosyante ang magtagumpay at maglikha ng trabaho sa panahon ngayon. Kaya nga’t dapat tayo ay tumutok sa “common good” o kabutihan ng balana at titiyakin na ang ekonomiya ay rerespeto sa dignidad ng tao at kapaligiran. Kapag tayo ay naka-focus sa common good o kabutihan ng lahat, makikinabang ang lipunan at ekonomiya.
Sumainyo ang katotohanan.