8,247 total views
Magtatatag ang NASSA/Caritas Philippines ng tatlong (3) advocacy ministry na tutugon sa pangangailangan ng mahihirap at vulnerable na sektor ng pamayananan sa Pilipinas.
Sa katatapos na 5-araw na 40th National Social Action General Assembly o NASAGA na isinagawa sa General Santos City ay kinilala ng 204 na social action workers na kinabibilangan ng mga Pari, Madre at layko ang napakalaking sektor ng lipunan na nangangailangan ng tulong, kalinga at gabay ng simbahan.
Napagkasunduan sa 40th NASAGA ang pagbuo at pagtatayo ng 86 Arkidiyosesis, Diyosesis, Bikaryato, Prelatura kabilang ang Military Ordinariate of the Philippines (MOP) ng Good Governance Ministry o Good Governance Movement, Justice and Peace Ministry at Ecology o Environmental Ministry.
Ayon kay NASSA/Caritas Philippines National Director, Kidapawan Bishop Jose Colin Bagaforo na layon ng Ecology ministry na lumikha ng mga programang programang makatutulong para sa pangangalaga ng kalikasan, pagtugon sa pangangailangan ng mga mahihirap, at pagkakaroon ng maayos na pamahalaan.
Tinukoy ni Bishop Bagaforo ang agaran at nagkakaisang pagkilos ng mga Social Action Centers na tugunan ang epekto ng climate change o climate crisis hindi lamang sa Pilipinas kundi sa buong mundo.
Nababahala din ang maraming Social Action Center sa panganib na idudulot ng open-pit mining, black sand mining, pagtatayo ng coal fired-powered plant,illegal logging at kawalang pagpapahalaga sa kalikasan na taliwas sa itinuturo ng ensiklikal na Laudato Si’ ng Kanyang Kabanalan Francisco.
Pagtutuunan din ng Caritas Philippines ang programa para sa “good governance” upang masubaybayan ng simbahan ang pagkilos ng pamahalaan sa pagpapatupad ng mga batas at panuntunan para sa ikabubuti ng nakararami.
Iginiit ni Bishop Bagaforo na ito ay panawagan ng CBCP upang ang pakikilahok ng simbahan sa usaping pulitika ay hindi lamang nagtatapos sa eleksyon.
“Importante ‘yung accountability at tsaka monitoring program na gagawin natin kasama ang mga social action directors na what we have in the Philippines at mamamayan.” paliwanag ni Bishop Bagaforo.
Tututukan din ng NASSA/Caritas Philippines ang pagtugon sa problema ng mahihirap na mamamayan at mga katutubo sa pagkamit ng hustisya at katarungan.
Magiging aktibo din ang iba’t-ibang social action centers sa pakikibahagi sa mga isasagawang peace talks o usapang pangkapayapaan upang matamasa ang kapayapaan at kaunlaran.
Tiniyak ni Bishop Bagaforo sa sambayanang Filipino ang pangako ng Simbahan na “Leave No One Behind”.