423 total views
Nakikiisa ang Simbahang Katolika sa pagdiriwang ng ika-120 anibersaryo ng pagkakatatag sa pamahalaang sibil ng Palawan.
Matatagpuan sa Palawan ang Apostoliko Bikaryato ng Puerto Prinsesa at Taytay na pinamumunuan nina Puerto Prinsesa Bishop Socrates Mesiona at Taytay Bishop Broderick Pabillo.
Ayon kay Bishop Mesiona, dapat na ipagpasalamat sa Diyos ang biyaya na ipinagkaloob sa probinsya sa loob ng 120-taon mula ng maitatag ang pamahalaang sibil upang pangasiwaan ang kapakanan ng mga Palaweños.
Ipinagdarasal ng Obispo na magpatuloy at lumalim pa ang pagtutulungan ng Simbahan at lokal na pamahalaang ng Palawan para sa kapakanan ng mamamayan at pangangalaga sa inang kalikasan.
“Huwag tayong makalimot magpasalamat sa Diyos sa ika-120 taon na pagkatatag ng Palawan. Malayo na din ang ating narating at nawa’y patuloy tayo sa ating pagtutulungan lalo na sa ikabubuti ng ating sambayanan at inang kalikasan,” pahayag Bishop Mesiona sa Radio Veritas.
Inaanyayahan naman ni Taytay Bishop Broderick Pabillo ang bawat isa na makibahagi sa pagdiriwang ng probinsya maging sa pamamagitan ng pananalangin.
Iginiit ni Bishop Pabillo na mahalaga ang paggabay ng Panginoon upang maging matapat, makatao at maka-Diyos na mapangasiwaan ng mga opisyal ng lokal na pamahalaan ang lalawigan.
“Samahan niyo po kami sa pagdiriwang, ipagdasal po natin ang civil government na ngayon po ay mayroon kaming bagong governor na si Governor Dennis Socrates na siyang mamamahala dito sa Palawan, gabayan po siya at ang kanyang mga kasama na ang pamamahala ng Palawan ay isang malaking bagay upang pangalagaan ang kalikasan at upang magkaroon ng maayos na pamahalaan na magko-connect sa mga tao,” mensahe ni Bishop Pabillo sa panayam sa Radio Veritas.
Tinukoy ni Bishop Pabillo na tutukan ng lokal na pamahalaan ang ganap na pag-uugnay sa Palaweños sa pamamagitan ng pag-sasaayos ng mga lansangan, pagkakaloob ng kuryente sa mga liblib na lugar at pagtatayo ng mas maayos na digital infrastructure sa probinsya.
Pinangunahan ni Bishop Mesiona ang Misa ng Pasasalamat at Pagkakaisa para sa ika-120 anibersaryo sa pinasinayaang PGP Convention Center sa Provincial Capitol Compound ng Palawan kung saan opisyal na inihayag ang Baragatan Festival Grand Opening Program.
Ang Baragatan sa Palawan ay isang linggong pagdiriwang ng pagkakatatag sa pamahalaang sibil na ipinagdiriwang taon-taon kung saan nagtutungo at nagtatagpo ang mga opisyal ng bawat munisipyo sa kapitolyo ng Puerto Princesa.
Ang Apostolic Vicariate of Puerto Prinsesa at Taytay ay pawang kabilang sa Ecclesiastical Province of Manila na naglalayong magabayan ang buhay espiritwal at pananampalataya ng bawat mamamayan sa Palawan.