542 total views
Ramdam na ng mga manggagawa sa transport sector ang pasakit na dulot ng labis na pag-taas sa presyo ng mga produktong petrolyo.
Ito ang kinumpirma ni Jaime Aguilar, secretary-general ng National Confederation of Transportworkers Union (NCTU) kasunod ng pagtigil sa pamamasada at pagpapalit ng trabaho ng ilang mga Public Utility Vehicle (PUV) drivers.
“Hindi maganda ang sitwasyon ngayon, sunod-sunod ang pag-taas at halos umabot na ng 90php ang ating diesel kada litro. Ini-estimate nga namin na aabot pa ng 100 Php gawa ng problema natin sa supply,” pahayag ni Aguilar sa Radio Veritas.
Ayon kay Aguilar, bago maganap ang pandemya ay umaabot sa 30-libong ang miyembro ng NCTU na 15-libo na lamang sa kasalukuyan.
Iginiit din ni Aguilar na nakatulong ang mga service contracting at Pantawid Pasada program ng pamahalaan dahil sa mabagal at hindi wastong pamahahagi sa PUV drivers.
“Ang immediate na panawagan natin, patuloy tayong nananawagan sa gobyerno, lalung-lalu na sa DOTr at LTRFB na yung service contracting ay gamitin ng tama,” ayon pa kay Aguilar.
Patuloy ang panawagan ng Catholic Bishops’ Conference of the Philippines sa pamahalaan na tulungan ang mga manggagawa sa sektor ng transportasyon na nawalan ng kabuhayan dahil sa pandemya.