395 total views
Pinaalalahanan ng Kanyang Kabunyian Manila Archbishop Jose Cardinal Advincula ang mananampalataya na ang pagdiriwang ng Banal na Eukaristiya ay pasasalamat sa Panginoon.
Ito ang pagninilay ng arsobispo sa ikasiyam na novena mass sa paghahanda sa Dakilang Kapistahan ng Kabanal-banalang Katawan at Dugo ng Panginoon sa Holy Sacrifice Parish sa UP Diliman Quezon City.
Ipinaliwanag ni Cardinal Advincula ang tunay na kahulugan ng ‘Eukaristiya’ upang makintal sa kamalayan ng mamamayan ang pasasalamat sa lahat ng biyayang ipinagkaloob ng Panginoon sa sangkatauhan.
“Because the Eucharist is thanksgiving, every time we celebrate the Mass, our hearts should be filled with gratitude to the Lord for all the blessings He has given us,” ayon sa pagninilay ni Cardinal Advincula.
Aniya, marapat na kilalanin ng tao ang kabutihan ng Panginoon na pinagmulan ng lahat ng bagay dito sa mundo kabilang na ang buhay ng sangnilikha.
Giit ni Cardinal Advincula na dapat sa bawat pagdalo ng Banal na Misa ay isaisip ang pasasalamat sa halip na humihiling lamang sa Diyos ng mga pangangailangan at pinupunan lamang obligasyon bilang kristiyano.
Hiniling din ng pinuno ng Archdiocese of Manila sa mananampalataya na sa pagtanggap ng Banal na Katawan at Dugo ni Kristo ay isabuhay ang diwa ng pagmamalasakit at habag na naranasan mula sa Panginoon tungo sa kapwa upang higit na maipadama alab ng dakilang pag-ibig sa sanilikha.
“May we be people of concern and compassion for each other just like Jesus. In this way, our lives also become a pleasing sacrifice to the Lord,” ani Cardinal Advincula.
Ito rin ang ika – 45 kapistahan ng Holy Sacrifice Parish mula nang maitatag bilang Parokya na kasalukuyang pinamumunuan ang ni Father Jose Tupino III.
Bago ang Banal na Misa ginanap ang liturgical reception kay Cardinal Advincula kasama si Fr. Tupino, Bro. Nathaniel at Sis. Maria Faina Diola ang Lay Coordinators ng Parish Pastoral Council at si University of the Philippines Vice President for Administration Nestor Yunque.