462 total views
Homiliya para sa Kapistahan ng Corpus Christi, ika-19 ng Hunyo 2022, Lk 9:11b-17
Happy Fathers’ Day po. Sa araw na ito ng Corpus Christi, ang gusto kong paghugutan ng inspirasyon sa aking pagninilay ay ang isang bagay na alam na alam ng lahat ng mga tatay—ang BAON. Minsan makikita mo sila, nakabisikleta patungo sa trabaho, lalo na ang mga construction workers. May dalang backpack. Pag binuksan mo ang backpack niya, siguradong isa sa mga makikita mo sa loob ay lunchbox o pombrera, o nakabalot na pagkain. Ito ang BAON niya sa tanghalian.
Maliliit pa tayo, sanay na tayo sa konsepto ng BAON. Baon ni Junior, pagpasok sa school. Baon ni ate sa biyahe papuntang Saudi bilang OFW. Kung minsan, kahit ang nakikain na sa piyesta pinababaunan pa pauwi.
Ang baon ay pantawid-gutom sa paglalakbay. At alam natin na ang buhay mismo ay isang paglalakbay. Para sa ating mga Katoliko ang Eukaristiya ay baon natin sa landas ng buhay para maabot natin ang buhay na walang hanggan.
Alam nyo ba na ang tradisyunal na tawag sa komunyon na ibinibigay ng pari sa mga nag-aagaw-buhay ay VIATECUM? Salitang Latin, at ang literal na ibig sabihin nito sa Tagalog ay BAON MO SA DAAN.
Minsan may napanood akong eksena sa sine, isang nanay na naghahanda ng babauning tanghalian ng anak niyang papasok sa school. Naikwento daw kasi ng titser na isa sa mga pinakamabait na batang nakita niya sa school ay ang anak niya. Hindi siya kumakain mag-isa, laging may kasalo. Ang pinipili niyang kasalo ay iyong walang baon o kaunti lang ang baon. Binabahaginan niya. Noon naintindihan ng nanay kung bakit parang gutom pa rin ang anak niya pag-uwi. Mula noon, dinadagdagan niya ng kaunti ang baon—extrang hiwa ng manok, extrang saging, extrang cupcake. Laging ubos.
Pero pag-uwi ng bata ang dami niyang baon na kuwento, kuwento ng mga bagong kaibigan na nakilala. Siguro iyon talaga ang konsepto ng baon, batay sa ating ebanghelyo sa araw na ito ng Corpus Christi.
Binago ni Hesus ang kaisipan ng kanyang mga alagad tungkol sa baon. Palagay ko nagugutom na rin kasi ang mga alagad kaya gusto nila na sabihan ni Hesus ang mga tao: “Time-out o break muna. Magkanya-kanya na muna tayo—may dala namang kanya-kanyang baon ang mga iyan.” Sila ang dala nilang baon para sa kanila lang: limang tinapay at dalawang isda.
Noong nakaraang Linggo ng Holy Trinity, nabanggit ko iyong reaction ko sa tipo ng mentalidad lumalakas ngayon. Ang pagka-KANYA-KANYA na napaka-individualistic. Halimbawa, ang mga madalas ipaskel na paunawa sa mga kabarangay: TAPAT KO LINIS KO. Sabi ko, bakit naman ganoon? Hindi ba puwedeng BARANGAY NATIN LINIS NATIN? Walang uunlad sa paligid natin kapag wala tayong pakialam sa kapwa, kapag wala tayong malasakit sa kapakanan ng iba, iyong tinatawag sa Ingles na COMMON GOOD. Kaya bumababa ang sense of community kahit sa mga urban poor areas—magkakapitbahay pero hindi magkakakilala, hindi nagdadamayan.
Isa pang hindi magandang prinsipyo ay KKB—“kanya-kanyang baon.” Di ba sa karanasan, kapag nagkanya-kanya tayo, mas madali tayong maubusan? Pero kapag nagsama-sama, ang konti dumarami, tulad ng sa POTLUCK? Noong nakaraang Metropolitan Synodal Assembly, ang bawat diocese nagdala ng baon na pasalubong para sa mga taga-ibang diocese. Syempre nagdala kami ng sapin-sapin ng Malabon. Grabe, mas marami pa ang iniuwi namin kaysa dinala namin: may kasuy, may inipit, may hopia, may biscocho, mayroon pang kakanin na tinatawag na “sikreto ni Lola.”
Kaya ang suggestion ko, imbes na KKB kapag picnic, baka mas maganda ang SSB, sama-samang baon.
Ano ang binagong mentalidad ni Hesus sa kanyang mga disipulo sa kuwento? Iyong “pagka-kanya-kanya.” Para sa mga alagad, iyun ang “realistic”. Alangan naman daw na pakainin nila ang lahat. Wala namang ilusyon si Hesus na pakakainin niya ang lahat. Di ba siya rin, minsan nasabihan niya si Hudas nang umangal ito na diumano’y sinayang daw ni Maria ng Betania iyong napakamahal na pabango na ibinuhos lang sa paa ni Hesus? Di ba sinabi rin ni Hesus kay Hudas, “Ang mga dukha, lagi ninyong makakasama. Pero ako, hindi lagi.” Sinabi niya iyon noong malapit na siyang arestuhin at ipako sa krus. Noong gabi ng kanilang huling hapunan—noon niya ipinaunawa sa kanila na ang pinakamahalagang ibig niyang ipabaon sa kanila ay hindi tinapay at alak kundi katawan at dugo niya. Sa madaling salita, buhay niya.
Tingnan mo ang mga tatay natin. Ang iba sa kanila matagal nang wala na dito sa mundo—pero ang mga iniwan nilang mga pabaon sa atin, nariyan pa rin, dala pa rin natin, pinagyayamanan pa rin natin, PANTAWID NATIN. Ang iminulat sa atin, ang edukasyon na tinanggap natin, ang mga pinagpaguran at iniwan sa atin, ang buhay natin.
Iyon pala ang tunay na kahulugan ng Eukrasitiya. Ang mas mahalaga na babaunin natin kaysa pagkain, ari-arian at mga abilidad ay ang malasakit natin sa isa’t isa na nagiging udyok upang ibahagi natin ang anumang bitbit natin. Hindi lang kanin at ulam kundi dugo, luha, at pawis natin. Hindi lang tinapay at alak kundi katawan at dugo, buhay natin. Ang pinagsamahan, ang pinagsaluhan, ang nabubuong pagkakaisang-puso at diwa, ito ang talagang magtatawid sa atin na baon sa daan patungo sa buhay na walang-hanggan.