1,896 total views
Tag-ulan na naman, at marami sa atin, dadanas na naman ng sunod-sunod na pagbaha. Kadalasan, sinisisi natin ang baha sa lakas at dami ng ulan na pumapatak ngayong panahon ng climate change. Hirap tayong aminin na isa sa mga pangunahing dahilan ng pagbaha ay ang pagbara ng ating mga daluyang tubig dahil sa dami ng basura sa ating paligid. At kung basura sa ating mga siyudad ang pag-uusapan, laging isa sa mga tampok dito ay ang basura sa ating mga ilog.
Nitong 2021 kapanalig, may isang pag-aaral na nagsasabi na ang plastic pollution sa mga karagatan at ilog ay isa sa mga umuusbong na environmental hazards sa buong mundo. At ayon sa pag-aaral na ito, ang Pilipinas ang pangunahing contributor ng plastics waste. Sa 1,656 na ilog sa ating bansa na sinasabing nagdadala ng plastic wastes, ang nangunguna ay ang Ilog Pasig. Masakit man ang resulta ng pag-aaral na ito kapanalig, at atin man itong kwestyunin, kailangan pa rin natin tingnan kung may katotohanan ba na maraming basura ang ating mga ilog sa bansa.
Kapanalig, ang mga ilog gaya ng Pasig River, na nasa sentro ng urbanisasyon, ay bulnerable talaga sa ibat ibang uri ng polusyon. Tinatayang mga 65% ng mga polusyon sa ilog na ito ay mula sa household wastes. Marami pa ring mga tahanan sa paligid ng ilog ay impormal at walang maayos na indoor plumbing, kaya’t nagiging lagusan na ito ng mga wastewater mula sa mga kabahayan. Mga 30% naman ng polusyon sa ilog ay mula sa mga industriya. At syempre, mayroong din solid waste sa ilog, gaya ng mga plastic wastes. Ang Pasig River ay konektado sa iba pang mga tributaryos sa mga karatig lugar, at tinatayang mga 1.500 toneladang basura ang tinatapon hindi lamang sa mga ilog, kundi pati sa mga tributaryos at sapa, kaya naman bumabara na ang mga daluyang tubig.
Nais nating lahat na maging malinis ang mga daluyang tubig sa ating bansa. Sa Pasig River, marami ng mga proyekto at programa ang inilunsad upang linisin ito. Ang nakakalungkot, hindi natin ma-sustain ang mga naunang tagumpay ng mga gawaing ito. Isa sa mga posibleng dahilan ay ang magkakahiwalay na paraan natin upang malinis ang mga ilog, na hindi kinokonsidera ang kaugnayan nito sa isa’t isa. Halimbawa, linisin man ng Marikina LGU ang Marikina River, pero kung ang mga tributaryo sa taas nito ay patuloy naman dudumihan, dadaloy lamang ito sa ilog doon, at sa kalaunan, magtutungo din sa Ilog Pasig.
Marahil, isa pa sa mga dahilan kung bakit patuloy na dumudumi ang mga ilog at tributaryo sa atin ay ang kawalan ng imprastraktura. Oo kapanalig, kailangan din ng imprastraktura, gaya ng mga wastewater treatment facilities at garbage collection and disposal system upang maiwasan na ang pagtatapon ng mga tao sa mga ilog at sapa. Kung tunay na nais natin ng malinis na mga daluyang tubig, dapat talaga magkapit-bisig ang mamamayan at estado. Hindi sapat na pagmultahin o pagbawalan lamang ang tao na magtapon ng basura sa ilog. Kailangan din may maayos na paglalagyan ng basura ang mga tao.
Kapanalig, ang buhay ng ating mga daluyang tubig ay nakatali sa ating buhay. Kung hindi natin sila pangangalagaan, mapait ang nagiging paghihiganti ng kalikasan. Ayon nga sa Laudato Si: The human environment and the natural environment deteriorate together.
Sumainyo ang Katotohanan.