625 total views
Paiigtingin ng mga diyosesis sa timog-kanlurang bahagi ng Mindanao ang pagtulong sa mga mahihirap partikular na sa mga katutubong Badjao.
Ito ay sa pamamagitan ng Social Action Ministry Barter Initiative (SAMBI) na programa ng Arkidiyosesis ng Zamboanga, Prelatura ng Isabela de Basilan, Apostolic Vicariate ng Jolo, Sulu, at ang Diyosesis ng Ipil (ZamBaSulI) na inihalintulad sa kindness station ng Caritas Philippines.
Ayon kay Jolo social action director Fr. Raul Veneracion, layunin ng SAMBI na pakainin ang mga nasa mahihirap na pamayanan lalo na ang mga Badjao na likas na naninirahan sa Mindanao.
“Kung pupunta po kayo sa lugar namin especially sa Sulu and Tawi-Tawi, wala kayo ni isang Badjao na makikita na malaki ang tiyan at mataba. Karamihan ng makikita niyo ay payat. Bakit? Hindi po balanse ang kanilang pagkain,” ayon kay Fr. Veneracion sa ginanap na 40th National Social Action General Assembly (NASAGA) sa General Santos City, South Cotabato.
Batay sa tala ng Social Weather Station, umabot sa 13-porsyento ang bilang ng mga nagugutom na pamilya sa Mindanao sa unang bahagi ng 2022.
Mas tumaas pa ito kumpara sa nakalipas na pagsusuri ng SWS noong Disyembre 2021 kung saan nasa 12-porsyento ang nagugutom sa rehiyon.
Nilinaw naman ni Fr. Veneracion na hindi lamang pagkain at iba pang mapapakinabangan ang maaaring ibahagi sa SAMBI kundi maging ang oras at talento ng mga nais maging volunteer upang mas mapalawak at mapalaganap pa ito sa mga saklaw na komunidad ng ZamBaSulI.
“Ito po ‘yung barter na hindi dole out na kukuha ka lang. Dapat mayroon kang ibibigay. Kung wala kang pambigay, ang ‘yong ibibigay ay pwedeng oras, pwedeng talento. Balak po namin ‘yan palaganapin sa apat na lugar na nasasakupan ng ZamBaSulI,” ayon sa pari.
Kabilang ang ZamBaSulI sa nanalo ng P500,000 halaga ng proyekto mula sa ginanap na NASAGA ng NASSA/Caritas Philippines upang suportahan ang kanilang programa sa pagtulong sa mga higit na nangangailangan.