1,550 total views
Ang Eukaristiya ay nagsisilbing baon ng mga Katoliko sa paglalakbay sa landas ng buhay patungo sa buhay na walang hanggan.
Ito ang bahagi ng pagninilay ni Kalookan Bishop Pablo Virgilio David kaugnay sa Dakilang Kapistahan ng Kabanal-banalang Katawan at Dugo ng Panginoon.
Ayon sa Obispo na siyang Pangulo ng Catholic Bishops’ Conference of the Philippines (CBCP), tulad ng pagkain na ibinabaon ng mga naglalakbay bilang pantawid-gutom ay mahalagang baon din ang Banal na Eukaristiya sa paglalakbay patungo sa buhay na walang hanggan.
Ipinaliwanag ni Bishop David na tinatawag ang Banal na Komunyon na ibinabahagi ng mga pari partikular sa mga nag-aagaw-buhay na ‘VIATICUM’ na nangangahulugan sa Tagalog na ‘BAON MO SA DAAN’.
“Ang baon ay pantawid-gutom sa paglalakbay. At alam natin na ang buhay mismo ay isang paglalakbay. Para sa ating mga Katoliko ang Eukaristiya ay baon natin sa landas ng buhay para makahantong tayo sa ating paroroonan, ang ganap na buhay -buhay na walang hanggan. Alam nyo ba na ang tradisyunal na tawag sa komunyon na ibinibigay ng pari lalo na sa mga nag-aagaw-buhay na ay ‘VIATICUM’. Isang salitang Latin ito, at ang literal na translation nito sa Tagalog ay ‘BAON MO SA DAAN’, VIATICUM – BAON MO SA DAAN,” paglilinaw ni Bishop David.
Ibinahagi ng Obispo na ang mas mahalagang baunin kaysa sa pagkain, inumin o ari-arian ay ang malasakit, dugo, luha, pawis, katawan at buhay na siyang mas higit na makabuluhang baon pantawid sa kabilang buhay.
Sinabi ni Bishop David na ito ang tunay na diwa at kahulugan ng Eukaristiya lalo na para sa mga Katoliko na mahalagang ibahagi rin sa kapwa.
“Iyon pala ang tunay na kahulugan ng Eukaristiya. Ang mas mahalaga na babaunin natin kaysa pagkain, kaysa ari-arian o mga abilidad, ang mas mahalaga ay yung malasakit natin sa isa’t isa na siyang nagiging udyok upang i-share natin, upang ibahagi natin ang baon natin sa isa’t isa. Hindi lang kanin at ulam kundi dugo, luha, at pawis natin. Hindi lang tinapay at alak kundi katawan at dugo, buhay natin. Ang pinagsamahan, ang pinagsaluhan, ang nabubuong pagkakaisa ng puso at diwa, mga kapatid ito talaga ang magtatawid sa atin na baon sa daan patungo sa buhay na walang-hanggan,” dagdag pa ni Bishop David.
Sa magkaalinsabay na paggunita ng Kapistahan ng Corpus Christi at Father’s Day ay inihalintulad rin ni Bishop David ang Eukaristiya sa mahahalagang aral sa buhay at pagmamahal na ipinagkakaloob ng bawat ama bilang pabaon sa paglalakbay sa buhay ng mga anak.
Kabilang sa partikular na tinukoy ng Obispo ay ang pagsusumikap ng bawat padre de pamilya na mapag-aral at mabigyan ng tamang edukasyon ang kanilang mga anak.
“Tingnan mo nga naman ang mga tatay natin. Ang iba sa kanila katulad ng tatay ko matagal nang wala na dito sa mundo dahil pumanaw na pero naman ang mga iniwan nilang mga pabaon sa atin, nariyan pa rin, dala pa rin natin, pinagyayamanan pa rin natin, pantawid natin. Ang iminulat sa atin, kasama na sa edukasyon na ipinagkaloob sa atin na tinanggap natin ang mga pinagpaguran at iniwan sa atin, ipinamana sa atin pati na ang buhay natin pabaon ni tatay at nanay,” ayon pa sa Obispo.
Unang inihayag ng Kanyang Kabunyian Manila Archbishop Jose Cardinal Advincula na ang tunay na kahulugan ng ‘Eukaristiya’ ay upang makintal sa kamalayan ng mamamayan ang pasasalamat sa lahat ng biyayang ipinagkaloob ng Panginoon sa sangkatauhan.
Read: https://www.veritasph.net/eucharist-is-thanksgiving-paalala-ni-cardinal-advincula/