303 total views
Mga Kapanalig, lumutang na sa wakas ang driver ng SUV na sumagasa at ginulungan ang isang sumisitang security guard sa Mandaluyong City matapos ang dalawang linggong pag-iwas sa pag-aresto sa kanya ng mga pulis.
Matatandaang kumalat ang video ng pag-hit-and-run sa security guard ng isang mall na pinahihinto ang sasakyan upang dumaloy nang maayos ang trapiko sa lugar. Sa halip na tumigil, binangga ng drayber ang guwardya at ginulungan pa ito hanggang sa makaalis. Agad na dinala sa pagamutan ang security guard, habang pinasusuko ng awtoridad ang sumagasang drayber. May pulitiko pa ngang nag-alok ng pabuya sa sinumang makapagbibigay ng impormasyon tungkol sa drayber ng SUV. Binawi ng LTO ang lisensya ng drayber na natuklasang ilang beses na ring nasangkot sa reckless driving. Nagsampa naman ang pulis Mandaluyong ng kasong frustrated murder at pag-abandona sa biktima.
Ngunit hindi basta-bastang pagsuko ang ginawa ng 34 na taóng gulang na si Jose Antonio Sanvicente, ang drayber ng SUV. Kasama ang kanyang mga magulang at abogado, humarap siya sa isang press conference sa Camp Crame. Para nga silang nasa isang talk show kung saan ipinaliwanag ng kanyang nanay kung bakit matapos ang ilang linggo ay nagpasyang sumuko ang kanilang anak. Humingi ng paumanhin ang suspek sa kanyang na-hit-and-run. Hindi siya hinuli ng mga pulis dahil lumampas na raw ang panahong maaari itong gawin sa isang suspek. Natapos ang press con at malayang nakaalis si Sanvicente.
Kung pobreng drayber siguro ang naka-hit-and-run, tiyak na iba ang magiging eksena ng ating kapulisan. Pagpapalitin ng damit ang suspek na para bang deretso na siya sa bilangguan. Habang nakaposas ang kanyang mga kamay at napapagitnaan ang mga pulis, nakatayo ang suspek sa likod ng nakaupong mga pulis na ipinagmamalaki ang pagkakahuli nila sa kanya. Nakayuko siya sa kahihiyan pero pipilitin siya ng mga pulis na ipakita ang kanyang mukha sa nakasisilaw na kamera ng mga taga-media. Sasabunin nila—o kaya ay mumurahin pa—ang suspek. Matapos ikuwento ang kanilang matagumpay na pagdakip, dadalhin na nila ang suspek sa kulungan kung saan susundan pa rin siya ng media upang ipakita ang simula ng kalbaryong kanyang dadanasin. Masuwerte pa nga kung nahuli nila nang buhay ang suspek. Kung mahihirap na drug personalities o mahihirap na suspek ang kanilang dadakpin, malamang ay naliligo na sa kanilang dugo ang mga suspek at sasabihin na lang ng mga pulis sa media na nanlaban sila. Tapos ang usapan.
Ito ang mukha ng katarungan sa ating bayan. Lantaran ang pagpanig sa mga maykaya at may koneksyon sa mga nasa poder. Kung may pera ka, makakukuha ka ng serbisyo ng magagaling na abogadong makahahanap ng paraan upang hindi ka paghimasin ng malamig na rehas. Mahirap tuloy na hindi isiping para lamang sa mga may pera at may impluwensya ang katarungan.
Sa pananampalatayang Kristiyano, naniniwala tayong walang krimen o sentensyang makapagbabago sa taglay na dignidad ng bawat tao. Anuman ang antas sa pamumuhay, ang mga nagkakasala sa batas ay mga taong karapat-dapat na bigyan ng pagkakataong itama ang kanilang pagkakamali. Ang kaparusahang itinatakda ng batas ay dapat na ipinapataw sa sinumang mapatutunayang nakagawa ng krimen. Ngunit sa Pilipinas, bago pa man dumaan sa tamang proseso ng batas, may mga pinapaboran na ang mga nagpapatupad ng batas at may mga taong ang kanilang dignidad ay hindi na kinikilala.
Mga Kapanalig, nawa’y magkaroon tayo ng mga tagapagpatupad ng batas na, katulad ng nakasaad sa Mga Awit 106:3, “makatarungan [at] gawang matuwid ang adhika sa buo [nilang] buhay.” Huwag sanang hayaan ng kapulisan na magpatuloy ang masamang imahe nila sa mata ng publiko, lalo na sa mahihirap at walang kalaban-laban.