522 total views
Pinasalamatan ni out-going Vice-president Leni Robredo sa serbisyo ng mga volunteer ng Parish Pastoral Council for Responsible Voting (PPCRV) sa nakalipas na halalan.
Ang mensahe ay ipinabatid ng pangalawang pangulo sa pamamagitan ng video message na nagbigay din ng pagkilala sa ginawang tungkulin na mapanatiling tapat at maayos ang 2022 national and local elections.
“To the PPCRV and to the many volunteers and volunteer groups who gave their time and effort in conducting the unofficial parallel count maraming maraming salamat sa inyong lahat. Alam kong batid ninyo na marami sa ating mga kababayan ang nababahala pa din sa naging pagdaraos ng huling halalan tiyak ko kahit papaano ay mas napapanatag sila dahil alam nila na nariyan kayo bilang mga taga-pangalaga ng ating boto,” bahagi ng mensahe Vice-President Robredo.
Dagdag pa ni Robredo, kahanga-hanga ang pagsisikap ng mga volunteer para pangalagaan ang karapatan ng mamamayan sa pagpili ng bagong pamunuan ng pamahalaan ng inaasahang kapalit.
“Saludo ako sa pagpili ninyong maglingkod bilang parte ng mekanismong magtataguyod at magpoprotekta sa karapatan nating pumili ng pinuno. Hindi matatawaran ang kahandaan ninyong magpuyat at magpagod kahit hindi madali ang trabaho at walang materyal na kapalit ang inyong sakripisyo. Muli maraming maraming salamat sa inyo, mabuhay kayo at mabuhay ang malaya at malinis na halalan para sa sambayanang Pilipino.” Dagdag pa ni Robredo.
Una na ding nagpaabot ng pasasalamat ang pamunuan ng PPCRV sa tulong ng halos 500,000 mga PPCRV volunteers mula sa iba’t ibang parokya sa 86 na mga diyosesis sa buong bansa.