462 total views
Patuloy na binabantayan ng Diyosesis ng Romblon ang kalagayan ng likas na yaman sa lalawigan ng Romblon lalo na sa banta ng pagpasok ng mga mining companies.
Ayon kay Romblon Social Action Director Fr. Ric Magro, ngayong binawi na ng Administrasyong Duterte ang mining moratorium ay mas paiigtingin pa ng diyosesis ang pagbabantay at pagtatanggol sa kalikasan at mga tao laban sa mga malalaking kumpanya.
“Naghahanap pa lang din sila (mining companies) ng mga documents tulad ng environmental impact assessment para makakuha sila ng permit. Pero sa ngayon ay inaantabayanan din natin lalo’t higit sa barangay level kung ano ang magiging action dahil nga marami din naman tayo, kasama natin ang mga parokya doon sa pagtutol sa anumang adhikain nilang ipagpatuloy yung pagmimina nila,” pahayag ni Fr. Magro sa panayam ng Radio Veritas.
Ayon kay Fr. Magro, maraming malalaking kumpanya ang nais na makapagsagawa ng pagmimina sa lalawigan hangga’t hindi muling binabalik ng pamahalaan ang moratoryo sa pagmimina.
Isa sa mahigpit na binabantayan ng diyosesis ang Altai Philippines Mining Corporation sa Sibuyan Island sa Barangay España, San Fernando, Romblon.
“Ang Sibuyan Island kasi ay puno ng minerals, isa na d’yan ang gold. Kaya’t ‘yun talaga ang gusto nilang minahin doon,” ayon kay Fr. Magro.
Nakikipag-ugnayan naman ang Diyosesis ng Romblon sa mga lokal na pamahalaan at iba pang institusyon upang mas maantabayan at masuring mabuti ang mga paglabag ng mga malalaking kumpanya sa kalikasan upang mabigyan ng karampatang parusa.
Dalangin din ng diyosesis na nawa’y ibalik at tuluyan nang isabatas ang mining moratorium upang hindi na makapasok at magdulot ng pinsala ang pagmimina sa bansa.