376 total views
Homiliya Para sa 40th anniversary ng Parokya ni San Lorenzo Ruiz at mga Kasamahang Martir, Ika-21 ng Hunyo, 2022, Mat 7:6,12-14
Ano ang mabisang paraan ng pagtuturo ng ating pananampalataya? Ito ang ating topic sa pagninilay na ito. Akmang-akma sa pagdiriwang natin ng 40th anniversary ng ating parokya na dedicated kay San Lorenzo Ruiz, isang Katekista o tagapagturo ng pananampalatayang Kristiyano, at nasa ilalim ng pangangasiwa ng ating mga paring Dominikano, na kilala bilang Order of Preachers, mga tagapagturo din ng pananampalataya.
Tututukan natin ng pansin ang pinaka-importanteng linya sa narinig nating ebanghelyo: “Gawin sa iba ang ibig mong gawin nila sa iyo.” Hindi naman original ito kay Hesus. Mas orihinal ito sa Chinese philosopher na si Confucius. Tinawag na Ginintuang Aral o Golden Rule. Iyun nga lang, negative ang pagkakasabi. Kilala ninyo ang orihinal, ginawang kanta ito at kinanta ni Rico Puno. “Kung ano ang di mo gusto huwag gawin sa iba.” Ang pagkakaiba sa pagkakaturo ni Hesus ay, ginawa niyang positive ang pagkakasabi.
Alam kasi ni Hesus na kahit sa pananampalatayang Hudyo, maliban lang sa dalawa, ang walo sa sampung utos ay negative ang pagkakasabi: huwag sasamba sa diyosdiyosan, huwag lalapastangan sa ngalan ng Diyos, huwag papatay, huwag makikiapid, huwag magnanakaw, huwag sasaksi sa hindi totoo, huwag pagnasaan ang hindi iyo. Sa Tagalog, may isang salita tayo para dito: BAWAL. Iyan ang isa sa pinakamadalas nating makitang ipinapaskel sa mga pader: mga ipinagbabawal. At ang nakapagtataka, kung kailan ipinagbabawal, parang lalong ginagawa. Para bang kung ano ang bawal, iyon ang masarap gawin.
Meron daw edad ang tao na natututo nang magrebelde sa mga utos—kapag nagbibinata o nagdadalaga na. Ang tawag ay adolescence stage. Lalo daw lumalakas ang tendency ng mga kabataan na magrebelde kapag ang mga nakatatanda na nagbabawal ay hindi consistent ang ginagawa sa itinuturo. Paano mo nga naman babawalan ang bata sa pagbibisyo kung siya pa nga ang inuutusan ng tatay para bumili ng sigarilyo, alak, o kung minsan, pati droga? Paano tuturuan na bawal ang magnakaw kung nakikita niyang inuuwi ng tatay o nanay ang mga bolpen, papel, o mga gamit mula sa opisina na may nakasulat pang “for office use only”, o mga tuwalyang galing sa hotel? Paano sila tuturuan na tumupad sa salita kung sila mismo ay hindi marunong magbayad ng utang?
Nalilito ang mga bata at kabataan kapag ganyan. Nasisira ang kanilang tiwala sa mga nakatatanda. Parang bang kung kailan ka sumunod sa palatandaan mas lalo kang naligaw. Kaya nga “matanda“ ang tawag sa Tagalog sa mga may-edad, dapat silang magsilbi bilang gabay, bilang mga palatandaan na aakay sa kanila sa tamang landas.
Tingnan mo si Hesus, imbes na sabihin lang niya na huwag mag-aastang bossing ang kanyang mga alagad, hinugasan niya ang kanilang mga paa! Mas matinding aral talaga ang gawa kaysa salita lang. Mas natatandaan ang mabuting halimbawa na isinasabuhay kaysa pangaral lang.
Kahit si St. Francis parang ganito rin ang prinsipyo niya na pinasikat doon sa panalangin na ginawang kanta: Lord make me an instrument of peace. Doon sa refrain ng kanta, ganito ang sinasabi niya, “Gusto mong damayan ka, dumamay ka. Gusto mong unawain ka, umunawa ka. Gusto mong mahalin ka, magmahal ka. Gusto mong tumanggap, magbigay ka. Gusto mong patawarin ka, magpatawad ka, gusto mong bigyan ka ng buhay na walang hanggan, magbigay-buhay ka.”
Kaya pala nang tanungin si Hesus kung aling kautusan ang pinakadakila, hindi mga bawal ang sagot niya. Pag-aralan lang daw natin na “magmahal sa Diyos nang higit sa lahat at sa kapwa gaya ng sarili.” Kapag natuto nga namang magmahal, umunawa, magpatawad, dumamay at magmalasakit ang tao, kahit di mo sabihin sa kanya kung ano ang hindi tama, hindi niya gagawin dahil una niyang nalaman kung ano ang tama at dapat gawin, batay sa tamang halimbawa.