457 total views
Kinilala ng Sangguniang Laiko ng Pilipinas (SLP) ang kahalagahan ng mga balo at single parent na mag-isang itinataguyod ang kanilang pamilya.
Ayon kay Bro. Jun Cruz-pangulo ng SLP, katulad ng pagpapahalagang ipinakita ng Panginoon sa mga balo ay tungkulin din ng bawat isa na kilalanin at arugain ang mga balo.
Ang mensahe ay kaugnay na rin sa nalalapit na paggunita ng ‘International Widows’ Day’ sa June 23.
“Sa Kasulatan ay makikita natin palagi ito at may tagubilin na huwag silang pababayaan at aapihin, kaya nga kailangang magkaroon din ang ating pamayanan, ang gobyerno at simbahan ng maliwanag na pagpapahalaga sa mga balo na bagamat nag-iisa na ay buong-tibay ng loob na tinataguyod ang kanilang mga anak,” ayon sa ipinadalang mensahe sa Veritas ni Bro.Cruz.
Panawagan ni Cruz sa pamahalaan at mga parokya ang pagkakaroon ng mga programang tutulong sa mga balo sa kanilang pamumuhay bilang magulang sa kanilang mga anak at kinabibilangang lipunan.
Taong 2011 ng magsimula ang paggunita ng International Widows’ Day na itinakda ng United Nations (UN) bilang pagpupugay at pagbibigay tuon sa kanilang mga kinakaharap na suliranin tulad ng kahirapan, pang-kalusugan at karahasan.
Sa Pilipinas, taong 2016 ng itinaguyod ni Fr. Flavie Villanueva,SVD ang “Paghilom” program para sa mga balo at naulila ng mga nasawing sa biktima ng War on Drugs ng pamahalaan.