281 total views
Mahigit sa 1,500 mga mag-aaral ang natulungan ng Caritas Manila na mapagtapos sa kolehiyo ngayong taon.
Ito ang inihayag ni Ms. Maribel Palmitos, Officer in Charge ng Youth Servant Leadership and Education Program o YSLEP ng Caritas Manila.
Ayon kay Palmitos, napagtagumpayan ng mga scholar ng Caritas Manila ang pagsubok na kanilang pinagdaanan sa kabila ng pandemya at nagawa pa ding makapagtapos ng kanilang pag-aaral.
Sinabi ni Palmitos na pananampalataya ang naging sandigan ng marami sa mga scholars na dulot din ng kanilang mga formation na ipinagkakaloob sa pamamagitan ng YSL program.
“Isa sa mga kwento na hindi namin malilumutan ay ang kanilang katatagan sa pananampalataya, sabi nila kung hindi sa kanilang pananampalataya hindi nila makikita ang mga sarili nila ngayon na nag-graduate sa kanilang mga kurso, pangalawa, Marami din silang natutunan sa ating programa lalo na sa pagtulong sa kapwa kahit pala sila ay mahihirap kaya din nila tumulong sa kanilang kapwa” pahayag ni Palmitos sa panayam ng programang Caritas in Action sa Radio Veritas.
Inaasahang mahigit sa isang libong mag-aaral ang susuportahan ng Caritas Manila sa pagpasok ng school year 2022 to 2023 kung saan malaking bilang nito ay magmumula sa Archdioocese of Manila habang ang iba ay mula sa iba’t- ibang mga lalawigan.
“Sa taong 2022- 2023 kasalukuyan na po nag-screen ang ating mga program officer sa Luzon, Visayas, Mindanao at sa NCR. Ang ating scholar na parating ay more than 1,000 po at may 500 plus sa Archdiocese of Manila.”
Umaasa ang Caritas Manila na patuloy na susuportahan ng mga mananampalataya ang kanilang schoalrship program lalo na’t ito ang maaring maging susi upang maka-ahon sa kahirapan ang marami.
“Napakalaking tulong po ito sa atin kasi karamihan po sa kababayan natin ay hirap na maipadala sa eskwelahan ang ating mga kabataan. Kahit yung maliit na tulong ang ipapadala natin pwede nating pagsama-samahin ang ating pinansiyal na tulong at makakatulong naman po ito para mapag-aral ang isang bata at maalis sa kahirapan.” Dagdag pa ni Ms. Palmitos.
Batay sa datos ng Philippine Statistics Authority noong taong 2017 aabot sa 39.2 milyong kabataang Pilipino edad 6 hanggang 24 ang maituturing na out of school youth at isa sa mga lumalabas na pangunahing dahilan nito ay kawalan ng sapat na pangtustos sa pag-aaral.