433 total views
Hinimok ng Kanyang Kabunyian Manila Archbishop Jose Cardinal Advincula ang mananampalataya na tularan si San Juan Bautista na nanindigan sa katotohanan.
Ito ang pagninilay ng cardinal sa misang ginanap sa St. John the Baptist Parish o Minor Basilica of the Black Nazarene sa Quiapo Manila.
Ayon kay Cardinal Advincula, bilang kristiyano ay bahagi ng misyon ang ipahayag ang katotohanan sa lipunan upang mapawi ang kasamaang hatid ng kasinungalingan.
“Tularan natin ang tapang ni San Juan Bautista na bunga ng pagtitiwala sa Diyos; maging matapang tayong tagapagpahayag ng katotohanan,” ayon sa pahayag ni Cardinal Advincula.
Napapanahon din ang pagdiriwang lalo’t mariing nilalabanan ng simbahan ang laganap na fake news at disinformation partikular sa social media.
Tinuran ni Cardinal Advincula ang pagpatay kay Juan Bautista dahil sa hindi pagkubli ng katotohanan at iginiit na ang tunay na matapang ay natatakot na mapalayo at hindi matupad ang kalooban ng Diyos.
Sa misang pinangunahan din ni Cardinal Advincula sa Saint John the Baptist Parish, San Juan City ay hinimok nito ang mamamayan na huwag mahiyang maging mabuting tao at gumawa ng kabutihan sa kapwa.
Umaasa ang Kardinal na maging daluyan ng pagpapala ng Panginoon ang bawat sa tungo sa kapwa.
“Tulad ni San Juan Bautista nawa’y maging daan tayo ng pagpapala sa kapwa at maging mapagparaya; ihayag ang mabuting salita, ipakita ang pagdamay at malasakit sa kapwa,” giit ni Cardinal Advincula.
Ang panawagan ng arsobispo ay nababatay sa adbokasiya ng buong simbahan na labanan ang pagkalat ng maling impormasyon lalo na sa internet kung saan 76-milyong Pilipino ang aktibo habang 92 milyon naman sa social media.
Apela ni Cardinal Advincula sa mananampalataya na higit isulong ang kabutihan tungo sa mas maunlad at nagbubuklod na pamayanan.