376 total views
Tiniyak ng Diocese of San Carlos ang pagtugon at pakikibahagi sa nakatakdang Peter’s Pence Collection Sunday sa ika-26 ng Hunyo, 2022.
Sa pamamagitan ng isang liham sirkular, ibinahagi ni San Carlos Bishop Gerardo Alminaza ang nakatakdang Peter’s Pence Collection Sunday na isinasagawa bago ang paggunita sa Solemnity of Saints Peter and Paul tuwing ika-29 ng Hunyo.
Tagubilin ni Bishop Alminaza sa lahat ng mga pari, rektor, chaplains, administrator at religious priest ng mga parokya, mission stations at quasi-parishes sa diyosesis ang pagpapalaganap ng impormasyon kaugnay sa Peter’s Pence Collection Sunday para sa kamalayan ng mga mananampalataya.
Ayon sa Obispo, mahalagang malaman ng bawat mananampalataya na ang malilikom na pondo mula sa nasabing pontifical collection na isinasagawa sa buong mundo sa pamamagitan ng second collection ay nakalaan para sa mga programa at iba’t ibang apostolic and charitable ministry ng Santo Papa Francisco.
“On the 29th of June 2022, we shall celebrate the Solemnity of Sts. Peter & Paul. The Sunday nearest to the Solemnity is Designated as Peter’s Pence Collection Sunday. This year it falls on the 26th of June 2022. This pontifical collection is chiefly designated for the apostolic and charitable ministry of our beloved Pope Francis,” ang bahagi ng liham sirkular ni San Carlos Bishop Gerardo Alminaza.
Hinihikayat din ng Obispo ang pag-aanunsyo nito sa mga social media platforms upang higit na maipalaganap ang impormasyon kaugnay sa nakatakdang gawain.
Umaasa naman si Bishop Alminaza na aktibong makibahagi ang bawat mananampalataya sa nakatakdang Peter’s Pence Collection Sunday para sa pagsasakatuparan ng iba’t ibang misyon ni Pope Francis lalo na para sa mga higit na nangangailangan sa iba’t ibang panig ng daigdig.
Batay sa tala ng Vatican, noong 2019 bago naganap ang pandemya ay nakalikom ang Peter’s Pence Collection ng 53-million euros na nagamit upang pondohan ang iba’t ibang mga programa at gawain ng Santo Papa Francisco at maging ng Vatican Curia.