538 total views
Patuloy ang pag-tugon ng pamahalaan sa epekto ng African Swine Fever (ASF) at Avian Influenza (Bird Flu).
Ito ang tiniyak ni Dr. Reildrin Morales, Assistant Secretary ng Department of Agriculture for Livestock at Bureau of Animal Industry Director.
Inihayag ni Morales na batay sa datos ng kagawaran noong June 15, 2022 ay bumaba sa 56-barangay ang mayroong kaso ng ASF sa buong Pilipinas kumpara noong 2019 na umabot sa mahigit 4-libong mga apektadong barangay.
Noong June 10, 2022 ay naitala ang mga kaso ng Bird Flu sa 85-baranggay sa ibat-ibang bahagi ng bansa.
“Sa animal health side, patuloy po natin pinapalakas ‘yung ating tinatawag na diagnostic infrastructure at ilalatag po natin, yung mas malawakan po na surveillance,” pahayag ni Morales sa Radio Veritas.
Inaasahan naman ng DA na aabot sa 10-milyon mga baboy ang suplay ng Pilipinas sa Disyembre sa selebrasyon ng Kapaskuhan at ang Bagong Taon.
Ibinahagi rin ni Morales ang pagsasagawa sa Phase 2 vaccine trials laban sa ASF ng mga pribadong kompanya mula sa Pilipinas katuwang ang mga siyentipiko mula sa Thailand.
“Mahigit 100-million worth na field RT-PCR test kits, ito po ay dini-distribute naman ng ating mga RFO (regional field offices) sa mga Local Government Units. Yun pong early detection ang napaka-critical po, kapag nagkaroon tayo ng early detection mas malaki po yung change na mapigil yung pagkalat ng sakit,” ayon pa kay Morales.
Nakasaad sa katuruang panlipunan ng Simbahang Katolika na dapat unahin ng mga producer ang kalusugan at kapakanan ng mga konsyumer.